Abante Tonite Interactive

Kilabot na holdaper na namayagpag ng 6 taon, huli ng Mpd

By
79

Pebrero 13, 2018 nang magkasunod na nagsagawa ng mapa­ngahas na panghoholda si Villareal, kasama ang isa pang nakilala sa alyas na ‘Obet’ sa kanto ng Aurora Boulevard at P. Guevarra St. sa Sta Cruz kung saan una nilang biniktima si Eric Racab, 40, naninirahan sa 2149 Jose Abad Santos Avenue, sa Tondo.

Tinutukan ng baril ni Villareal si Racab habang puwersahang kinuha naman ng kanyang kasama ang dalang bag ng biktima na naglalaman ng hindi nabatid na halaga ng salapi, cellular phone, ATM, iba’t ibang uri ng mga ID at personal na gamit.

Nang matuklasan ni Villareal na hindi sapat ang kanilang mga nakulimbat kay Racab, namataan niya ang negosyanteng si Fer Ivan Lim, 26 ng 3281 Santos Teodoro St. Tondo at siya naman ang tinutukan ng baril ng dalawa.

Nakuha kay Lim nina Villareal at kasama ang kanyang gold bracelet at mamahaling cellular phone na may kabuuang halagang P90,000. 00, cash na nagkakahalaga ng P36,000 at body bag na naglalaman ng iba’t ibang uri ng ID, credit cards at personal pa niyang gamit.

Matapos ang panghoholdap, sumakay na sa kanilang get away Nissan gray Sedan ang dalawa patungo sa southern area ng Metro Manila.

Matapos ang insidente, humingi ng tulong ang dalawang biktima sa Alvarez Police Detachment na pinamumunuan ni Sr. Insp. Ouano at sa tulong ng mga nakakabit na CCTV cameras sa lugar, nakilala ng pulisya si Villareal, kasama ang kasabuwat na silang may kagagawan ng panghoholdap.

Humingi ng kaukulang ayuda si Sr. Insp. Ouano sa ilan pang unit ng kapulisan hanggang mamataan sa ilan pang mga nakakabit na CCTV sa lungsod ng Maynila ang Nissan Sedan ni Villareal na patungo sa gawi ng Cavite.

Dahil na rin sa kuha ng CCTV, nakilala ng isang pulis sa Pasay City sa katauhan ni PO2 Roberto Gervacio, residente ng Macopa St. Pildera 1 ang kasama ni Villareal na isang alyas ‘Obet’ na isa ring kilabot na holdaper sa lungsod.

Sa dami ng mga insidente ng panghoholdap na kinasasangkutan ni Villareal, hindi lang sa lungsod ng Maynila, kundi sa iba pang siyudad sa Metro Manila at karatig lalawigan, nakatanggap ng impormasyon ang Manila Police District (MPD) Station 3 kaugnay sa kotseng Nissan Sedan na gamit ng mga holdaper sa Trece Martirez sa Cavite City.

Kaagad na bumuo ng isang team ang MPD Station 3 na pinamumunuan ni Sr. Insp. Ouano at kaagad silang nag-plano kung papaano isasagawa ang pag-TUGIS kay Villareal at kasama nito.

Nang matiyak ng kanilang impormante ang eksaktong lugar na kinakakitaan ng kotseng Nissan Sedan sa Trece Martirez, Cavite, kaagad ikinasa ang operasyon bago maghatinggabi ng Pebrero 19, 2018.