Abante Tonite Interactive

Kilabot na holdaper na namayagpag ng 6 taon, huli ng Mpd

Part 8

By
122

Nakipag-ugnayan ang MPD Station 3 kay Supt. Reynan Patam, ang chief of police ng Trece Martirez sa Cavite kaugnay sa isasagawa nilang pag-TUGIS kay Villareal na kaagad naman tinugunan ng naturang opisyal.

Dakong alas-dos nang madaling-araw nang dumating sa police­ station ng Trece Martirez­ ang grupo ni Sr. Insp. Ouano at mula rito ay sinamahan sila ng mga tauhan ni Supt. Patam upang suyurin ang sinasabing tinitirhan ni Villareal sa Sunshine Village, Brgy. Cabuco sa naturang bayan.

Sa bisa ng kanilang dalang limang warrant of arrest mula sa iba’t ibang korte sa Pasay City at iba pang lungsod sa Metro Manila, sinalakay na ng pulisya ang bahay na tinitirhan ni Villareal at inabutan pa siyang natutulog, katabi ang babaeng kanyang kinakasama.

Hindi na nagawang tumakas o makapanlaban pa ni Villareal nang puwersahang pasukin ng kapulisan ang kanyang bahay at halughugin ang bawat sulok, kasama ang mga tauhan ng pulisya ng Trece Martirez at kinatawan ng barangay.

Nakuha sa bahay na tinutuluyan ni Villareal ang isang kalibre .45 baril na may kasamang tatlong magazine na puno ng bala, isang M-5 Caliber .45 pistol na may extended magazine na may siyam na bala, isang hand grenade, iba’t ibang uri ng identification cards, mga automated teller machine (ATM) cards na may iba’t ibang panga­lan, mga mamahaling cellular phones, ilang piraso ng mga mamahaling alahas at bungkos-bungkos na uri ng mga susi.

Nang dalhin si Villareal sa pagamutan bilang isa sa umiiral na panuntunan ng kapulisan sa wastong paraan ng pagdakip sa isang akusadong nahaharap sa kaso, dito na natuklasan na positibo rin siya sa paggamit ng iligal na droga.

Ayon kay Sr. Insp. Ouano, may nagturo rin kay Villareal na kabilang siya sa nagbebenta ng iligal na droga at may kinakaharap na ring kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Pasay City.

Nang dalhin sa headquarters ng Manila Police District si Villareal matapos ang isinagawang medical examnation, isa-isa nang dumating ang mga nabiktima niya ng panghoholdap, hindi lang sa lungsod ng Pasay at Maynila kundi nagmula rin ang iba sa Bulacan, Marikina, Las Piñas, Makati at iba pang lungsod.

Sinabi ni Sr. Insp. Ouano na halos umabot ng 20 ang sumugod sa headquarters ng MPD hanggang noong Pebrere 21, 2018 na karamihan ay may dala ring warrant of arrest laban sa kanya.

Sa kabila ng pagkakadakip kay Villareal, nananatili namang nakakalaya ang kanyang kasa­buwat na si alyas ‘Obet’ bagama’t tiniyak ng kapulisan na hindi sila titigil sa pag-TUGIS sa suspek.

Muli, sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.