Abante Tonite Interactive

Kilabot na holdaper na namayagpag ng 6 taon, huli ng Mpd

By
282

Mistulang naging pang­karaniwan na lamang ang mga kaso ng pang­hoholdap na naga­ganap sa iba’t ibang panig ng bansa na karamihan­ ay kagagawan ng ilang indibiduwal na nahu­hu­maling sa iligal na droga.

Kahit pa maigting ang pagbabantay ng kapulisan at mga opis­yal ng barangay sa mga lugar na palaging may nagaganap na panghoholdap, hindi pa rin natitigil ang ganitong uri ng kasamaaan dahil na rin sa mahigpit na pangangailangan ng mga nasasangkot.

Karamihan naman sa mga simpleng kaso ng panghoholdap ay nalulutas naman kaagad ng kapulisan at napapanagot sa batas ang mga nasasangkot bagama’t may ilan din namang insidente na madali lang silang nakakalaya dahil na rin sa kawalan ng interes ng mga naging biktima na isulong ang paghahain ng kaso lalo na kung naibalik na muli sa kanila ang mga nakulimbat.

May mga pagkakataon naman na bumubuo na rin ng grupo ang mga sangkot sa panghoholdap upang makatiba sila ng malaking halaga­ lalo na kung malalaking establisimyento na ang kanilang tinatarget tulad ng mga bangko at malalaking kompanya.

Gayunman, karamihan sa mga malalaking grupo ng mga holdaper ay nalalansag din kalaunan ng kapulisan at napapatay pa ang ilan sa kanila habang natutuluyan namang makasuhan ang iba pa.

Bihira sa grupo ng mga holdaper ang nakakapamayagpag ng mahabang panahon upang mapakinabangan ng kanilang pamilya o mahal­ sa buhay ang kanilang mga nakulimbat na salapi­ bagama’t may ilan namang ginagamit ang kanilang kakayahan upang makapamuhay ng marangya ang pamilya kapalit ng pagkabulok na nila sa bilangguan.

Sa kaso ng isang kilabot na holdaper na kamakailan lamang nadakip ng mga awtoridad, masasabing matagal din niyang napakinaba­ngan ang salapi at alahas na nakulimbat lalu na’t kadalasan ay mag-isa lamang siyang nagsasagawa ng krimen bagama’t may pagkakataon din naman na kasama niya ang kasabwat sa paggawa nito.

Dating nahalal bilang kagawad ng Barangay 75 sa Ignacio Street sa lungsod ng Pasay ang ngayon ay 40-anyos ng si Ramon Villareal kaya’t ‘Kagawad’ ang naging taguri sa kanya ng mga nakasama niya sa paggawa ng krimen.

Bilang isang itinuturing na lingkod-bayan, hindi nagampanan ng maayos ni Villareal ang kanyang tungkulin at sa halip ay nagamit pa nga niya ang pagiging opisyal ng barangay upang makilala ang mga taong sangkot sa mga iligal na gawain.

Isa sa mga naging malapit na kaibigan ni Villareal noong taong 2013 si Richard Adelan, residente ng Cleanville Compound sa Brgy. Manuyo, Las Piñas City kung saan nakaramdam siya ng pagkainggit at pangingimbulo sa bagong kaibigan dahil nakikita niya ang estilo ng buhay nito na laging paldo at hindi nawawalan ng mara­ming salapi sa bulsa.