Abante Tonite Interactive

Kilabot sa pamemeke ng dokumento para sa US visa timbog sa NBI

By
0 362

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 70-anyos na senior citizen na tinagurian bilang “The Man with the Golden Hands” ng mga awtoridad noong 1980s dahil sa husay nito sa pamemeke ng mga dokumento para sa mga nag-a-apply ng visa papuntang Amerika.

Iniharap kahapon sa mga mamamahayag ni NBI Director Dante Gierran ang suspek na si Manuel ‘Noynoy’ Bala, matapos itong arestuhin noong nakaraang linggo batay sa complaint letter na ipinadala sa ahensiya ni Isaiah Roland II, isang attaché ng US Department of State’s Diplomatic Security Service, Overseas Criminal Investigation.

Humingi umano ng tulong si Roland para imbestigahan sina Kevin Keith Fajardo at Sarra Rowela na nag-apply ng tourist visa sa Amerika at naka-schedule na para sa panayam sa kanila.

Nalaman umano sa imbestigasyon na hindi tunay na mag-asawa ang dalawa at hindi rin maberipika ang kompanya na sinasabing pinapasukan ni Fajardo.

Sa masusing interogasyon, inamin ng dalawa na kay Bala galing ang mga pekeng dokumento nila.

Sinabi umano sa kanila ni Bala na mas magiging mabilis na maaaprubahan ang tourist visa kapag mag-asawa ang mag-a-apply nito.

Dahil dito, ikinasa ang entrapment operation laban kay Bala na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Ayon kay NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division chief Joel Tovera, dati nang nabilanggo sa New Bilibid Pri­sons si Bala dahil sa pamemeke ng mga US visa noong 1983.

Muling sasampahan si Bala ng kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code dahil sa pamemeke ng mga dokumento.