Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kilatisin ang tunay na karapat-dapat

0 73

Ilang linggo na lamang at umpisa na ng pagsusumite ng certificate of candidacy ng mga tatakbo para sa May 2022 election. Kaya naman tutok na ang mga political parties sa pagkakasa ng kanilang mga magiging manok mula sa posisyong presidente, bise presidente, senador, kongresista pababa sa municipal councilors.

Kailangang makapaghanda ng malakas na listahan ng mga kandidato dahil mas mapanuri na ngayon ang mga botante lalo na ang netizens. Ang mga nag-aambisyong tumakbo lalo na sa matataas na puwesto ay abalang-abala naman sa pagpapapogi. At ang mga concerned civic groups ay tutok na rin sa pagkilatis sa kanilang ikakasang mga manok sa hangaring hindi masolo ng mga trapo ang talaan ng mga tatakbo.

Kabilang sa mga nililigawan ng ilang civic groups si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar para patakbuhing bise presidente o kaya ay senador. Marami naman kasing bilib sa ating PNP chief kaya hindi na ito kataka-taka.

Ano nga ba ang mga katangiang hanap natin para sa isang bise presidente? Alalahanin nating bise presidente ay back up dahil kung biglang mamatay o hindi na kayang gampanan ng presidente ang kanyang tungkulin sa bayan, ang bise ang permanenteng mauupo. Kaya naman kailangang ang piliing bise presidente ay tulad din ng pipiliin nating presidente. Bagay bang maging bise presidente si PGen Eleazar?

Ano naman ang mga katangian ng isang senador? Maraming nang nahalal ng senador ang wala namang kaalam-alam sa paggawa ng batas pero nahalal dahil sa kasikatan at popularidad. Si PGen Eleazar bilang punong hepe ng kapulisan ay tagapagpatupad ng batas kaya naniniwala kaming malawak ang kaalaman nito sa mga batas at mga kakailanganin pang batas na base sa kanyang karanasan ay makakatulong para mas maging epektibo ang pagpapatakbo ng kaayusan sa bansa.

SM food to go Banner Ad

Para sa amin, presidente man o bise presidente o senador o anupamang posisyon ay pinakamahalagang piliin natin ang isang taong may tunay na integridad o isang taong tapat, may mataas na paninindigan at prinsipyo; may isang salita at hindi pabago-bago; isang taong may dangal; naniniwala sa Diyos; parehas at naniniwala sa proseso ng hustisya; may tunay na malasakit na magsisilbi para sa taumbayan at hindi para sa mga taong pinapaboran lamang; maginoo at hindi bastos na puwedeng maging magandang huwaran para sa mga bata at kabataan at higit sa lahat ay isang taong may pagmamahal sa sariling bansa, iyong kaya tayong ipaglaban at hindi papayag na apak-apakan ng ibang bansa o sinumang dayuhan.

Marami pang katangian ang hanap namin para sa isang taong pipiliin nating maging lider pero kung hindi natin makuha ang lahat dahil wala namang perpektong indibidwal ay magiging masaya na kami kung ang mga nabanggit naming katangian ay tataglayin ng taong magiging mga lider natin pagkatapos ng Mayo 2022.

Ngayon ang tanong natin: Taglay ba ni PNP chief Gen. Eleazar ang mga katangiang ito? Naniniwala kaming maraming sasang-ayon at sasabihing si Eleazar ay isang mahusay na lider, magandang halimbawa, may paninindigan, nakikipaglaban para sa hustisya ng mga naaapi, may malasakit, maginoo at kaya tayong ipaglaban.

Pero ang pagpili ng mga tatayong lider ng ating bansa: presidente man, bise president o senador ay isang malaking bagay na dapat pag-isipan. Bilang mamamayan, lahat tayo ay may tungkuling kilatising mabuti ang bawat kandidato inilalapit sa atin. Kailangan ng masinsinang pag-iisip at pagdedesisyon. At ito’y tungkuling dapat nating seryosohin.

Sa unang linggo ng Oktubre ay magkakaalaman na kung sino-sino ang mga may intensyong tumakbo sa kung anong puwesto. Sa sandaling ilatag na ng Commission on Elections (Comelec) ang talaan ng mga pinal na kandidato sa Nobyembre 30, mag-umpisa na tayong mag-isip at piliing mabuti ang karapat-dapat. At pagdating ng Mayo 2022, sabay-sabay tayong magpasya!

Leave A Reply

Your email address will not be published.