Abante Tonite Interactive

Killer maid nalambat

By
183

Matapos ang halos tatlong taon ng pagtatago sa batas, wala nang kawala sa mga awtoridad ang tinaguriang killer maid at most wanted person sa Baguio City sa isinagawang follow-up operation sa Alaminos City, Pangasinan.

Kinilala ang suspek na si Marites Rilloraza Judan na gumamit umano ng mga alyas na ‘Maritres Relloza’, ‘Florence Macaalay’, ‘Marites de Guzman’, ‘Brenda Mendoza’ at ‘Brenda Ducusin’. Dinakip din ang live-in partner nitong si Manuel Bala­ngatan sa Dampay St., Poblacion, Alaminos City, Miyerkules nang umaga.

Ayon kay Police Regional Office 1 regional director Chief Supt. Romulo Sapitula, si Judan ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 15-anyos na dalagita sa Pinsao Proper, Baguio City noong Mayo 24, 2016.

Namasukan umano si Judan sa isang pamilya at nang makahanap ng tiyempo na walang ibang kasama ang menor de edad ay nagnakaw umano ito ng mahahalagang gamit ng amo.

Nang mahuli ng dalagita ang pagnanakaw ng kasambahay ay dito umano siya tinadtad ng saksak ng suspek para hindi ito makapagsumbong.

Nabatid na bukod sa robbery and homicide sa Baguio City, may kinakaharap ding patong-patong na kasong na may kaugnayan sa pagnanakaw ang suspek sa Sta. Cruz, Ilocos Sur at Bangar, La Union. Modus umano nito ang pagpasok bilang kasambahay at pagkatapos ay pagnanakawan ang kanyang amo.

Nakapiit na sa Alaminos City Police Station si Judan at walang ibinigay na piyansa sa kanya. ­