Abante Tonite Interactive

Killer truck: 10 dedbol

245

Pumalo na sa sampu katao kabilang ang isang 2-anyos na bata at kanyang ina ang nasawi matapos mawalan ng kontrol ang isang trailer wing van na puno ng kargang bigas at suyu-rin ang walong nakaparadang sasakyan kahapon nang umaga sa Davao City.

Bukod sa sampung nasawi, inaalam pa ang mga pagkakakilanlan ng walong iba pang nasugatan sa aksidente kung saan malubha ang ilan.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ni Police Major Jason Baria, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 11, naganap ang insidente dakong alas-9:30 nang umaga sa junction ng Matina Pangi Road at CP Garcia Highway ng nabatid na lungsod.

Matuling binabagtas ng trailer wing van na may plakang LXB-302 galing ng Sasa patungo sana ng Calinan ang nasabing kalsada nang mawalan ito ng preno dahilan upang hindi na makontrol ng drayber na si Joel Sinampay, 36, ang manibela at sumalpok sa walong nakaparadang sasakyan na kinabibilangan ng Toyota High Ace Van (BCN 661); KIA Sportage (KEP 343); Honda CRV (LGE 978); Mitsubishi L300 (AAG 4913); TMX na traysikel (5013LV); Avanza (ZSE 506);Susuki AVP (PPI 830); at Multicab (JFG233).

Walo ang agad na nasawi kabilang ang mag-ina na natabunan ng kargang bigas ng trak habang isa ang namatay sa pagamutan.

Walo din ang sugatan sa insidente na ngayon ay nakaratay sa Southern Philippines Medical Center. Dalawa sa mga ito ay kritikal.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si Sinampay. (Edwin Balasa)