Abante Tonite Interactive

Kilos DTI

407

Nakakarindi ang mga balitang bumubungad sa atin at sa social media patungkol sa novel coronavirus.

Sabagay makabalita ka ba naman na may positibo na sa nCoV sa iyong bansa talagang maaalarma ka.

Pero tama ang Department of Health (DOH) huwag tayong mag-panic para hindi makadagdag ng stress sa atin.

Kanya nga lang kung mapapanood mo sa telebisyon at mababasa
mo sa social media ang sitwasyon lalo na sa bentahan ng face mask ay talagang nakakatulala.

Kahapon nang umaga ay bumungad sa isang digital report ng Abante Online News ang senaryo sa bilihan ng face mask sa may Bambang sa Maynila na bilihan ng mga medical supply.

Nakakakilabot ang mga eksenang nakunan ng Abante Online News dahil ang haba-haba po ng pila ng mga kababayan nating nagnanais na makabili ng face mask para maproteksyunan ang sarili laban sa sakit na coronavirus.

Hindi natin masisisi ang ating mga kababa­yan na maging listo ay gumawa ng inaakala nilang paraan para hindi dapuan ng sakit na ito na pumatay na sa buhay ng may 213 katao sa China at libo-libo pa ang tinamaan.

Kaya sana naman bilang kontribusyon ng pamahalaan ay alalayan ang publiko sa sandaling ito sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga umaabuso.

Sa mga negosyanteng nakahanap ng dahilan para kumita ng limpak-limpak.

Rendahan ninyo naman ang mga abusadong negosyante na wala namang dahilan para magtaas sa presyo ng kanilang mga itinitindang maaring makaprotekta sa taumbayan para hindi dapuan ng nasabing uri ng sakit.

Sa Department of Trade and Industry (DTI) huwag na ka­yong pakaang-kaang pa maglabas na kayo ng kautusan na pipigil sa mga negosyanteng magsamantala sa ganitong panahon.