Abante Tonite Interactive

Kim, Maymay, Robi binulabog ng ‘Pinoy Big Brother: Stay At Home Edition’

852

Magkakaroon ng pagkakataon ang netizens na maging housemates ni Kuya kahit mula lamang sa kani-kanilang bahay sa pagbubukas ng “Pinoy Big Brother: Stay At Home Edition” na layuning ipakita ang kahalagahan ng pananatili sa mga tahanan upang makatulong sa pagpuksa sa COVID-19.

Iba’t-ibang “Ligtasks” para sa mga “homemates” ang manggagaling mismo kay Kuya araw-araw na ipo-post sa “PBB” Facebook page (fb.com/PBBabscbntv). Para makasali, kailangan lamang mag-send ng entry sa comment section ng naturang Ligtask post at gamitin ang hashtag of the day. Ang mapipiling entry ay magkakaroon ng pagkakataon ma-feature sa “PBB” Facebook page.

Noong Lunes (Marso 30), ibinigay na ni Kuya ang kanyang unang Ligtask: gumawa ng isang malikhaing video na sinasabi ang pangako na “Ako’y isang stay at homemate, at mananatili ako sa loob ng aking bahay!” Ang napiling “stay at homemate of the day” ay si Joshua Caingcoy na ginawa ang task gamit ang kayang talento sa pagiging puppeteer.

Sinundan naman ito ng pangalawang “Ligtask noong Martes (Marso 31) nang atasan ni Kuya ang homemates na magbigay ng mensahe sa frontliners. Napabilib ni Gilmar Catalonia Resureccion si Big Brother sa kanyang mala-cheerdance na papuri para sa sakripisyo ng frontliners para sa kaligtasan ng lahat.

Bukod sa Ligtasks, may iba pang handog si Kuya sa kanyang homemates gaya ng “Online Confession Room,” kung saan magbibigay ng sari-saring tanong si Kuya sa netizens at maaari itong sagutin sa pag-comment sa naturang post, at “Online Tambayan” naman, kung saan makakausap ng fans ang mga paborito nilang ex-housemates o “PBB” hosts mismo sa kanilang mga tahanan.

Samantala, ang “PBB: Stay At Home Edition” ay naging pagkakataon din ni Kuya para muling makakwentuhan ang kanyang dating housemates na sina Kim Chiu, Seth Fedelin, Robi Domingo, Yamyam Gucong, at Maymay Entrata nang sorpresahin niya ang mga ito sa isang video chat at bigyan ng big four tips para makaiwas sa COVID-19.

Lubos ang pagkagulat at tuwa ni Kim nang muling marinig ang boses ni Big Brother at naging panauhin niya ito sa kanyang bahay. Hindi naman daw malilimutan ni Robi ang mga aral na natutunan niya mula sa pagiging housemate dahil nagagamit niya pa rin ito ngayon sa kanyang buhay. Binigyan naman sila ng payo ni Kuya kung paano pananatilihing malusog ang katawan sa gitna ng quarantine.

Hindi napigilang maiyak ni Maymay dahil lubos daw ang kanyang pagka-miss kay Kuya. Laking gulat din ni Yamyam nang makausap si Kuya at kinuwento ang pagbabago sa kanyang buhay matapos hiranging big winner.

Nag-house tour naman si Seth sa kanyang napa-renovate na tahanan at nagpasalamat kay Kuya sa naitulong nito matapos ang paglabas niya sa kanyang bahay. Sa kanilang pag-uusap, nagpaalala si Big Brother sa mga paghahandang dapat gawin sa panahon ng pandemic.

Ilan pa sa mga sinorpresa ni Kuya na dating housemates ay sina Fumiya Sankai, Edward Barber, at Melai Cantiveros.

Para sa latest updates tungkol sa “Pinoy Big Brother: Stay At Home Edition,” pumunta lamang sa Facebook, Twitter (@PBBabscbn), at Instagram (@pbbabscbntv) ng “PBB.”

Jennylyn , Dennis nagkulitan sa TikTok

Naki-join na rin sa TikTok craze ang Ultimate Star na si Jennylyn Mercado! Ipinakita ni Jen sa kanyang mahigit 89,000 followers ang kanyang comedic side sa pamamagitan ng kanyang TikTok videos, pati na rin ang kanyang kulitan kasama ang boyfriend na si Dennis Trillo at kanilang mga alagang pusa.

Samantala, inabangan ng fans ang CoLove segment noong Linggo sa no-contact online show ng All-Out Sundays. Pinakilig nina Jen at Dennis ang Kapuso netizens sa kanilang rendition ng “Need You Now” ni Lady Antebellum. Sa kanilang number, tumugtog din si Jen ng bass guitar habang acoustic guitar naman ang kay Dennis.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Jen na nag-aral siyang tumugtog ng bass guitar habang hindi muna nagti-taping ang Descendants of the Sun Philippine Adaptation dahil sa implementasyon ng enhanced community quarantine.

Pinayuhan niya rin ang kanyang followers na gamitin ang pagkakataong ito para matuto ng mga bagong hobby habang nasa bahay, “Sino ba namang mag-aakala na magkakaroon tayo ng ganitong kahabang free time kaya dapat samantalahin na natin ‘to. Gawin nating makabuluhan.”

Dingdong nagbigay inspirasyon sa COVID-19 pandemic

Isa sa mga panlaban sa lumalaganap ngayong COVID-19 ay ang pagpapanatili ng malusog at malakas na pangangatawan. Ito ang layunin ng Alpha Team ng Descendants of the Sun PH na tuloy pa rin ang fitness inspiration sa kabila ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa ilang parte ng bansa.

Kamakailan ay nagkaroon sina Primetime King Dingdong Dantes, Rocco Nacino, Lucho Ayala, at Jon Lucas ng sabayang workout sa kani-kanilang mga bahay na kanilang ni-livestream sa Facebook page ng DOTSPH para maraming Kapuso viewers ang mahikayat na magbanat ng buto kahit nasa kanilang mga tahanan.

Kasali rin sa naturang workout video ang PRG members na sina Neil Sese, Carlo Gonzales at Ian Ignacio.

Ayon kay Dingdong, naisipan daw ng buong DOTSPH cast na bumuo ng social media accounts para magpalaganap ng inspirasyon at pag-asa sa mga Pilipino sa panahon ngayon ng krisis.

Ipinakita ng DOTS Ph Alpha Team ang pagiging solid ng kanilang brotherhood kamakailan sa pamamagitan ng pag-achieve sa kanilang common goal, ang magpalakas ng katawan para labanan ang coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi rin ni Dingdong na mainam na manatiling positibo sa sitwasyon na kinahaharap ngayon ng buong mundo. “Maraming itinuturo itong sitwasyon natin ngayon. As individuals, it teaches us resiliency; as a community and a family, it teaches us to be sustainable; and as human beings, it teaches us to be compassionate.”

Tonite – Wendys Inhouse Ad