Abante Tonite Interactive

KimXi muling magsasama sa Star Awards for Music

By
1,046

tonite-this-is-it-roldan-castroHandang-handa na ang lahat para sa isang maningning na gabi ng parangal ng PMPC Star Awards For Music: ‘A Decade Of OPM Excellence’ na gaganapain sa Linggo, ika-9 ng Set­yembre, 2018, sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.

Ngayong taon, sabay na ipagkakaloob ng PMPC ang mga karangalan para sa 9th (2017) at 10th (2018) Star Awards For Music bilang pagdiriwang sa isang dekada nitong pagbibigay-halaga sa industriya ng musika.

Magsisilbing hosts sina Kim Chiu, Xian Lim, Christian Bautista, Aljur Abrenica at Karylle.

At dahil ito ay selebrasyon ng isang dekadang pagbibigay-pugay sa mga natatanging alagad ng musika, magiging mabituin ang gabi. Sa opening number, magtatanghal ang cast ng ‘Ang Huling El Bimbo’ na sina Tanya Manalang, Reb Atadero, Topper Fabregas at Boo Gabunada, aawitin nila ang ‘Alapaap’.

Kasama ang PHD Dancers, aawitin ni Iñigo Pascual ang ‘Dahil Sa ‘Yo,’ si Gloc 9 ay magpapasiklab sa ‘Hoy’ at maghahandog naman ng Compilation Revival Medley ng mga awiting ‘Hawak Kamay’, Ikaw Yun’, Hindi Na Ba’, Maalaala Mo Kaya’ at ‘Handog’ sina Brenan Espartinez, Laarni Lozada, Renz Verano, Jojo Mendrez at Sabrina.

Aapoy ang dance floor sa sing and dance production number ng Hashtag, si James Reid ay makikipagsabayan sa PHD Dancers sa kanyang ‘Cool Down’ at hahataw sa kanyang dance exhibition si Regine Tolentino kasama ang kanyang dancers.

Ang grupong Ex Battalion, kasama sina Neil Perez, Ion Perez, Zachzna at Chic Ser ay magpapasikat sa ‘Hayaan Mo Sila’ at ‘Follow My Lead,’ samantalang ang The Company with dancers ay ihahandog ang ‘Head Over Heels’.

Maghahandog ng medley of songs ang mag-asawang Dingdong Avanzado at Jessa Zaragosa; at si Concert King Martin Nievera ay paiibigin tayo sa kanyang spot number.

Para sa tribute sa dating member ng Hotdog na si Rene Garcia, na sumakabilang-buhay na, mag-aalay ng Hotdog/VST & Company medley sina Clique V, John Roa, JV Decena, Joaquin Garcia at Allen Cecilio.

Bilang pagpaparangal kina Freddie Aguilar (2018 Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Awardee), Imelda Papin (2017 Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardee)­ at Basil Valdez (2018 Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardee), magbibigay-pugay sa kanila sina Kris Lawrence, Morisette Amon at Jed Madela, aawitin ng mga ito ang mga kantang pinasikat ng tatlo – ‘Anak’, ‘Isang Linggong Pag-ibig’, at ‘Ngayon At Kailanman’.

At para sa 2018 Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Awardee na si Mr. Pure Energy Gary Valenciano, magbibigay-tribute sina Martin Nievera, Christian Bautista at Erik Santos para sa mga awiting ‘Narito’, ‘Could You Be Mesiah’, ‘The Warrior Is A Child’, ‘Take Me Out Of The Dark’, at ‘Sana Maulit Muli’.

Ang PMPC Star Awards for Music ay mula sa pamunuan ng kasalukyang pangulong Joe Barrameda,­ mga opisyales at miyembro, at ito ay mula sa produksyon ng Airtime Marketing Philippines ni Ms. Tess Celestino-Howard at sa direksyon ni Bert de Leon.

Mapapanood ang kabuuan ng show sa ika-23 ng Setyembre, 2018, sa ABS-CBN’s ‘Sunday’s Best’ pagkatapos ng ‘Gandang Gabi Vice’.

Top 10 Kapamilya show na wagi sa ratings

Mas lalo pang kinapitan ng mga manonood ang mga programang handog ng ABS-CBN dahil sabay sa pagpapalabas nito ng tatlong bagong serye noong Agosto, patuloy din itong nanguna sa national TV ratings sa pagtala nito ng average audience share na 44%, ayon sa datos ng Kantar Media.

ABS-CBN ang pinakatinutukang network sa parehong urban at rural homes, partikular na sa Metro Manila, kung saan nagkamit ito ng average audience share na 41%. Nanguna rin ang Kapamilya network sa Total Luzon sa pagrehistro nito ng 40%; sa Total Visayas sa pagtala nito ng 51%; at Total Mindanao sa pagkamit nito ng 52%.

“FPJ’s Ang Probinsyano” (41.7%) pa rin ang nangu­ngunang palabas sa bansa, na sinundan ng “Your Face Sounds Familiar Kids” (34.8%).

Kabilang rin sa top ten most watched programs ang “TV Patrol” (31.2%), ang bagong primetime serye na “Ngayon at Kailanman” (29.9%), “Bagani” (29.6%), “MMK” (28.4%), “Wansapanataym” (25.7%), “Home Sweetie Home” (24.9%), at “The Blood Sisters” (21.6%).

ABS-CBN din ang nanguna sa lahat ng timeblocks, partikular na sa primetime matapos nitong magtala ng average audience share na 48%.

Panalo rin ang Kapamilya network sa morning block (6 AM to 12 NN) sa pagtala nito ng 41%. Sa noontime block (12 NN to 3 PM) sa pagrehistro nito ng 43%; at sa afternoon block (3 PM to 6PM) sa pagkamit nito ng 43% .