Abante Tonite Interactive

Kinadena, binugbog ng adik na ama, ina

148

Brutal na pagdidisiplina ang natikman ng isang 14-anyos na dalagita sa kamay ng diumano’y drug addict na ama na kinampihan pa ng misis nito sa kalupitang ginagawa sa kanilang anak sa Zamboanga City.

Hindi lang basta palo kundi madalas umanong bugbugin ng kanyang ama at sinasaktan din ng ina ang biktima.

Kahapon ng umaga nagwakas ang kalupitang dinaranas ng dalagita matapos isumbong ng kanyang mga kaibigan sa himpilan ng pulisya malapit sa kanilang lugar ang nangyayari sa biktima kaya nasaklolohan ito.

Kaawa-awa ang hitsura ng dalagita nang madatnan sa kanilang bahay sa Barangay Tugbu­ngan, Zamboanga City ng mga rumespondeng pulis kasama ang ilang tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil nakahiga ito sa loob ng kuwarto at nakagapos ang mga paa sa pamamagitan ng kadena.

Hindi inabutan ng mga awtoridad ang ama ng dalagita pero naroon sa kanilang bahay ang ina.

Isinalaysay ng biktima sa mga pulis na madalas siyang sinasaktan ng mga magulang sa tuwing napapagalitan.

Ibinunyag pa nito na gumagamit ng iligal na droga ang ama at sa loob pa ng kanilang bahay ginagawa nito ang masamang bisyo.

Ikinatuwiran naman ng kanyang ina sa mga awtoridad na dinidisiplina lamang umano nila ang dalagitang anak na pa­saway sa kanilang pamilya.

Sa kuwento ng ina, laging wala sa kanilang bahay ang dalagita dahil mas madalas pang kasama nito ang mga barkada sa kanilang lugar. Bukod sa napapabarkada, umuuwi rin diumano ang dalagita ng alanganing oras.

Ipinahayag naman ng lokal na tanggapan na maaaring managot ang mga magulang ng dalagita dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Bibigyan din umano ng psychological intervention ang dalagita para matulungan itong makarekober mula sa inabot na trauma sa kamay ng kanyang mga magulang.