Abante Tonite Interactive

Kinaladkad sa GCTA scandal Mar Roxas umalma

0 342

Pinalagan ni dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang sulat na ipinadala ng Ombudsman kung saan binigyan ito kasama si Senador Leila de Lima ng 3 araw na palugit para magpaliwanag kaugnay ng sinasabing revision o pagbabago sa implementing rules and regulations (IRR) sa ipinatupad na Good Conduct Time Allo­wance (GCTA) Law.

“Meanwhile, on this very controversial issue, halatang gusto na namang ibaling ang atensyon sa iba. Eto lang masasabi ko rito: Hindi kaya ang dapat imbestigahan ay:A. ang mga opisyal na nag­apruba ng release ng mga kriminal na ito? B. ang miyembro ng komite na nag approve ng release kahit hindi sinunod ang sarili nilang operations manual? C. ang mga taong nagbigay ng credits for “good conduct” – totoo nga bang good conduct ang mga ito o imbento lang?” sagot pa ni Roxas sa kanyang Twitter account.

“May batas na pinasa, di ba? Ang nilalaman ng IRR ay nakakuwadro sa batas, hindi puwedeng humigit sa RA 10592. Bakit ang mga sumulat ng IRR ang pinupuntirya ninyo?” dugtong pa nito.

Aniya, sakaling imbestigahan ng Ombudsman ang GCTA issue, handa siyang sagutin ang mga tanong tungkol dito. “Well and good, at masasagot ko kung ano man ang mga tanong nila.”

Panahon noon nina Roxas bilang kalihim ng DILG at De Lima bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) nang ipalabas ang IRR sa RA 10592 na nag-aatas para sa maagang pagpapalaya sa mga bilanggo na nagpakita ng kabaitan habang nakakulong.

Ayon naman sa naging reaksyon ni De Lima sa hakbang na ito ng Ombudsman, para sa kanya ay “was a highly irregular” ang development kaugnay ng isyu ng GCTA.

Nauna nang pinagpapaliwanag ng Ombudsman sina dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at Senador Leila de Lima kaugnay ng sinasabing revision o pagbabago sa IRR sa ipinatupad na (GCTA) Law. (Yves Briones)