Abante Tonite Interactive

King pinakamatinik sa depensa – Patrimonio

501

Noong kapanahunan ni Alvin Patrimonio sa PBA, halos walang makapigil sa kanya.

Malakas si Kap, gamit na gamit ang balikat ng 6-foot-3 frame sa pananalasa sa paint.

Pag nagmaniobra ng kanyang signature na pihit-move sa ilalim, lista mo na.

Palamuti sa kanyang 16-year career – lahat sa Purefoods mula 1988 (direct hire) hanggang 2004 – ang anim na championship rings.

Isa lang siya sa tatlong players ng liga na may koleksiyon ng apat na MVP trophies – ang dalawa pa ay sina Ramon Fernandez at June Mar Fajardo (six).

No. 3 sa all-time scoring list si Patrimonio (15,091 points), nauuna lang sa kanya sina Fernandez (18,996) at Abet Guidaben (15,775). Kasama siya sa PBA 25 Greatest Players.

Kaya alaga siyang pabantayan sa balyador at pinakamatinding defender ng kalaban.

Sino ang top 5 defenders na nagpasakit sa katawan ni Patrimonio?

Binanggit ni Kap sina Abe King, Chito Loyzaga, Chris Jackson, Yves Dignadice at Yoyoy Villamin.

“’Nung championship (1990 All-Filipino) ng Purefoods-Presto, si Kuya Abe ang bumabantay sa akin. Talagang hindi ko nailabas ‘yung pihit ko,” ani Patrimonio, 53 na ngayon.

Si Loyzaga ang pader ng Ginebra noon.

“Malakas, malapad,” paglalarawan niya sa seven-time member ng All-Defensive Team.

Si Jackson ang tanging Fil-Am sa listahan. Amateur pa si Jackson ay nakita na ni Kap ang potensiyal bilang defender.

“Ang lakas ng katawan niya,” wika niya. “Siya ‘yung nagpahirap sa akin sa Sta. Lucia at Shell. Siya ‘yung talagang bumabantay sa akin.”

Ang mahabang galamay ang pangunahing asset ni Dignadice noon sa San Miguel Beer at sa Ginebra.

“Mahaba ang kamay, saka mabilis,” lahad ni Patrimonio, team manager na ng Purefoods franchise.

Si Villamin ang kalahati ng Bruise Brothers, kasama si Ricky Relosa, sa Hills Bros (Alaska). Malapad din ang Bicolano Superman, matibay.

“Magulang, pero malakas talaga,” lahad ni Kap.

Sa kabila ng mga balya at sakit ng katawan na inabot, si Patrimonio ang unang Ironman ng PBA – 596 consecutive games played. Noong nakaraang taon lang nawala kay Patrimonio ang distinction, inagaw ni LA Tenorio. (Vladi Eduarte)

Tonite – Wendys Inhouse Ad