Abante Tonite Interactive

KING ROGER!

12

Balik sa trono, hari na muli si Ro­ger Federer.

Limang taon makalipas ang huling major championship, balik sa tuktok ng grand slam event si Federer nang maligtasan ang mahigpit na karibal na si Rafael Nadal sa Australian Open final kagabi.

Nagpahinga sandali at lumayo sa laro noong isang taon dahil sa knee surgery, kinumpleto ng Swiss ang isa sa greatest comebacks sa kasaysayan ng tennis nang ibulsa ang panlimang Melbourne Park trophy.

May iniinda nang injury at naghahabol 3-1 sa fifth set, nag-rally si Federer para agawin ang thriller 6-3, 3-6, 6-1, 3-6, 6-3 sa larong inabot ng 3 hours, 38 minutes.

“Just amazing, the way he’s playing after such a long time without him being on the tour,” ani Nadal kay Fede­rer. “It’s just very difficult to make that happen.”

Hindi nakolekta ng Spaniard ang pang-15 sana niyang major title, pero kuntento rin sa inilaro sa Aussie Open. Galing din si Nadal sa pahinga bunga ng injuries.

Sa edad 35, si Federer ang oldest men’s champion sa Open era pagkatapos ni Ken Rosewall noong 1970 US Open. Ginawa niya ito laban sa Spa­niard na tumalo sa kanya nang 23 beses sa una nilang 34 na paghaharap.

Naiyak pa si Federer nang itaas ang 18th Grand Slam title.

Hindi pa tinalo ni Federer si Na­dal sa isang grand slam final sa nakalipas na 10 taon, huli noong 2007 Wimbledon at huling nag-uwi ng titulo sa Wimbledon noong 2012.

Pagkatapos ng tikas kagabi, unang male player na siya sa kasaysayan na may lima o higit pang titulo sa tatlong iba’t ibang majors – Wimbledon (se­ven), US (five) at Australia (five).

Kahit si Federer, saludo sa inilaro ni Nadal mula injury. Makukuntento rin daw siya kung nanalo ang Spaniard.

“I would have been happy to lose too, to be honest,” lahad ni Fede­rer. “Tennis is a tough sport, there’s no draws. If there was going to be one, I would have been happy to have it tonight and share it with Rafa, really.”