Abante Tonite Interactive

KINGS BALIK SA TRONO!

93

Makalipas ang walong taon, may trono na muli ang Barangay Ginebra.

Sa title-clinching, buzzer-beating 3 ni Justin Brownlee, tinapos ng Gin Kings ang Meralco, 91-88, para hablutin ang korona ng PBA Governors Cup sa anim na laro sa Smart Araneta Coliseum­ kagabi.

Si Brownlee rin ang nakapuwersa ng huling deadlock sa 88-88 nang kumana ng pabandang jumper 27.3 seconds sa laro. Inubos ng Bolts ang shotclock bago sumagas­a ng layup si Allen Durham pero kabyos ang tira­ at dinamba ni Japeth Aguilar­ ang rebound kasabay ng hingi ng timeout, 5.9 ­seconds na lang.

Pagkatapos ng hu­ling timeout ni coach Tim Cone, binigay ang bola kay Brownlee, bago naubos ang final 5 seconds ng season ay bumitaw sa top of the key sa harap ni Durham. Pasok ang 3, at nayanig ang Big Dome!

“Each championship has its own personality,” ani Cone matapos idagdag ang korona sa kanyang 18 koleksiyon, kasama ang dalawang grand slams.

Sa kalagitnaan ng first quarter habang nasa huddle ang teams sa isang timeout, umugong ang Big Dome nang pumasok ang alamat ng PBA at ng Never­ Say Die ng Ginebra, si Sonny Jaworski, naupo sa likod ng bench ng Gins.

“I thought it was pretty cool midway in the first quarter when the crowd chanted ‘Ja-wors-ki! Ja-wors-ki!’ That was really cool,” ani Cone.

Kontrolado ng Bolts ang first two quarters, lamang 45-32 sa break p­ero sa third ay nagising ang Gins sa pangunguna ni LA Tenorio na may 11 points sa quarter tungo sa 25. Si Tenorio ang tinanghal na Finals MVP.

Tumapos si Brownlee ng 31 points, may 10 si Scottie Thompson.