Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kinidnap na Chinese laya sa P300K ransom

0 33

Nakaligtas sa kamay ng kanya umanong mga kidnapper ang isang 30-anyos na Chinese national na nakitang pagala-gala sa Indang, Cavite kamakalawa ng umaga.

May mga galos sa leeg, dibdib at likod nang saklolohan ang biktimang si Gan Zuo Qi, nag­tratrabaho sa isang tourist agency, tubong Liaoning, China at pansamatalang nanunuluyan sa Makati City.

Sa salaysay ng biktima kay Corporal Ronnel Taguibao ng Indang Police Station, dinukot siya ng limang kalalakihang miyembro ng kidnap gang dakong alas-9:00 ng gabi noong Lunes sa Pasay City at puwersahang isinakay sa isang van.

Ibiniyahe siya sa hindi niya matandaang lugar kung saan siya piniringan at tinalian, at habang nasa daan ay hiningian umano siya ng pera.

Saad ng biktima, nakapagbigay siya ng hala­gang P300,000 sa pamamagitan ng online bank transfer sa kanyang cellphone.

“Pagdating sa isang lugar sa Mataas na Lupa sa Indang, Cavite, tumigil ang mga suspek at dito sinamantala ng biktima na buksan ang li­kurang bahagi ng sinasakyang van saka tumalon ito at tumakas,” ani Taguibao.

Pinabayaan na lamang umano ng mga sus­pek ang biktima at pinasibad ang kanilang sa­sakyan papalayo.

Naglakad si Qi hanggang sa makarating sa harapan ng Don Aldrin Bus Terminal sa Mataas na Lupa kung saan tinulungan siya ng ilang mga drayber at konduktor dakong alas-5:30, Martes ng madaling-araw, saka ipinaalam ang insidente sa pulisya.

Tinurn-over na ng Indang Police ang biktima sa Pasay City Police kung saan pinauwi na rin umano ang biktima.

Nabatid na tatlong taon nang nakatira ang Chinese national sa Pilipinas at wala rin uma­no siyang kaaway o anumang pagkakautang. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.