Abante Tonite Interactive

Kinidnap na sanggol nabawi sa Ilocos, suspek arestado

310

Na-rescue kahapon ng pulisya sa Tagudin, Ilocos Sur ang isang bagong panganak na sanggol na dinukot ng isang babae sa ospital sa Santiago City, Isabela noong Biyernes nang hapon.

Ayon sa ulat ng Santiago City Police Station 2, wala namang nangyaring masama sa sanggol at nadakip din nila ang suspek na nakilalang si Virginia Semana, 31-anyos.

Ayon kay P/Maj. Reynaldo Balunsat ng Santiago City Police Station, isang follow-up operation ang isinagawa ng kanyang tropa sa pakikipagtulungan na rin ng Tagudin Municipal Police Station upang ma-rescue ang sanggol sa Brgy. Baracbac sa bayan ng Tagudin.

Kusang loob umanong ibinigay ni Semana sa pulisya ang sanggol at maayos naman itong sumama sa mga awtoridad.

Tinangay ni Semana ang sanggol sa isang ospital sa Santiago City pero nakilala siya sa pamamagitan ng CCTV ng isang concerned citizen na nakapanood ng balita sa telebisyon.

Nakakulong na ang suspek sa Santiago City Police Station at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya. (Edwin Balasa)