Abante Tonite Interactive

Kinidnap ng ekstra terestriyal

279

Mga ka-Misteryo nakarinig na ba kayo ng kuwento ng alien abduction o pagkidnap ng mga ET o ekstra terestriyal sa mga tao?

Si Jaime ng Kalookan ay merong naibahagi sa aking karanasan niya nang bigla umano siyang kunin ng mga ET o alien beings habang siya ay mahimbing na natutulog sa kanilang bahay.

Inabot ng alas-dose nang hatinggabi sa daan si Jaime dahil sa matinding trapiko sa EDSA at pagdating niya sa bahay ay mabilis siyang nagluto ng noodles para makakain muna at makahigop ng mainit na sabaw bago matulog.

Bigla na lamang siyang nakarinig ng matining na tunog sa kanyang tenga na hindi niya makontrol At nanunuot hanggang sa kanyang utak.

Napansin na niya ang matining na tunog sa kanyang te­nga habang sakay pa siya ng bus sa EDSA ngunit ipinagwawalang bahala lamang niya ito.

Ilang beses niya rin itong narinig kaya’t hindi siya halos makatulog sa bus habang nasa gitna ng usad-pagong na traffic.

Tumigil naman ang tunog at maayos na nakakain si Jaime, ilang minuto lamang ay nahiga na siya sa kanyang silid. Parang may magnet ang kanyang kama na mabilis siyang hinigop para matulog.

Ngunit, ilang oras ang lumipas ay bigla siyang tinamaan ng liwanag sa mukha at may narinig siyang boses: “Jaime bangon sumama ka sa amin ngayon din.”
Hindi nakapalag si Jaime at naramdaman niyang umaangat siya mula sa kama at nakita na lamang niya ang sarili sa loob at malamig na lugar na sobrang liwanag. Pinilit niyang magsalita: “Nasaan po ako? Sino po kayo? Anong kailangan niyo?”

Wala siyang narinig na sagot. Nang biglang sumulpot ang dalawang nilalang na may suot na kakaibang uniporme na hawig sa TV series na ‘Star Trek’, nilapitan siya ng dalawa at inakay. Halos nakabitin na siya dahil kapwa matangkad ang dalawang alien o ET being.
Ipinasok siya sa isang maliwanag na silid at may narinig siyang tinig: “Umupo ka.”
Jaime: “Saan po ako uupo, wala pong silya.”
Biglang sulpot ng kakaibang silya na kulay puti sa gitna at naupo siya.
Boses: “Paliparin mo ang ship.”
Jaime: “Paano po? Wala pong manibela, wala rin pong susi at wala pong kambiyo.”
Biglang nawala ang malakas na liwanag sa gawing harapan at napansin ni Jaime na ito ay windshield o salamin.
Jaime: “Ano pong sunod na gagawin ko?
Boses: “Isipin mo lang. Paliparin mo na!”
Inisip ni Jaime na umangat ang spaceship ay bigla ngang lumutang at unti-unting lumipad. Inisip niyang bumilis ito sa paglipad at bumilis nga. Pinaliko niya sa kaliwa, sa kanan, pinalipad niya nang sobrang taas, pinaikot-ikot hanggang sa pinatigil niyang kusa.
Boses: “Jaime pumasa ka. Hanggang sa muling pagkikita.”
Biglang nagising si Jaime. Akala niya ay panaginip lang ang nangyari sa kanya ngunit ito ay sinundan pa bagaman wala namang pananakit na ginawa sa kanya ang mga ET.
May iba pa akong narinig na testimonya o karanasan na kinuha sila ng mga ET
at walang palatandaan na sila ay pinahirapan hindi tulad sa America o Europe.
Pag-usapan pa rin natin ito sa mga susunod na kolum ng Misteryo. Para sa inyong kakila-kilabot na karanasan. Mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Bisitahin ang website: www.reytsibayan.com.