Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kinombulsyon

0 90

Sa pagpasok ng taon, biglang nagtaasan ang bilang ng Covid19. Bigla rin nagtaasaan ang mga kaso ng nilalagnat. Ngunit Covid man o hindi, iba ang natanong sa atin sa pagsalubong ng Bagong Taon. Ang 5 taong gulang na anak ng ating reader ay nilagnat, ngunit kakaiba ang kumplikasyon dahil nagkukumbulsyon ito. ilang taon na nakakalipas, hindi man madalas magkasakit ang kaniyang anak, ngunit sa kasawiangpalad na lagnatin, tumuloy sa panginginig at kinakailangang dalhin sa ospital. At ganoon nga nung nakalipas na araw, kahit takot magkacovid ay isinugod na naman ang kanyang bunso. “Ano ba ang sakit ng aking anak? Palagi na lang ba kinakailangang maospital sa tuwing lagnatin? Gagaling pa ba sya?“

Ang tawag sa lagnat na may kumbulsyon ay Febrile Seizures. Kadalasan ito ay tinatawag na Benign Febrile seizures. Ang kumbulsyon ay nangyayari kung mawalan ng malay, o makaranas ng panginginig at pagyanig ng mga braso at paa, nahihirapan huminga, namumutla, umiikot ang mata at kung minsan bumubula pa ang bibig. Patolohiya ng utak ang pinanggagalingan. Ngunit madalas, kung may kasamang lagnat, ay maaaring walang problema at normal ang mga eksaminasyon ng utak, dahil wala doon ang problema. Ang kadalasang sanhi ay ang lagnat kaya mas mahalaga ang malaman ang kung bakit nilalagnat.

Ang Benign Febrile Seizures (BFS) ay madalas mangyari sa mga batang 6 na buwan hanggang 6 na taong gulang. Madalas nawawala ang kundisyon pagtanda nila na wala din namang kumplikasyon. Ngunit sa mag edad na nabanggit, napakahalaga na sa oras lagnatin ay magbigay na ng mga supportive care para hindi tumaas ang lagnat. Hilamusan at mag sponge bath, pakainin at painumin ng tubig, sabaw at juice, at bigyan ng paracetamol agad. Ngunit ang pinakamahalaga ay malaman ang sanhi ng lagnat. Sa mga bata, madalas ang impeksyon sa lalamunan, baga, tiyan, at sa sanggol, impeksyon sa ihi. Kapag nalaman ang sanhi, agad mabibigyan ng gamot at lunas tulad ng mga antibayotiko.

Kung sakaling magkombulsyon, sundin ang mga susunod. Huwag pagkumpulan at ilayo ang mag bagaybagay na maaaring makasakit. Huwag pigilan ang kilos at galaw, alalayan lamang ng hindi masaktan. Itagilid para maluwag ang daloy ng hangin. Huwag nang maglagay ng anuman sa bibig. Kung kaya maorasan, mas mainam. Tumatagal ito ng ilang segundo hanggang mga 2 minuto.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa isang kamay, hindi dapat nakakabahala ang BFS, ngunit sa kabila naman, ay kailangan din makasiguro na walang problema sa utak. Sa oras na lagnatin at magkumbulsyon ang inyong anak, dalhin sa pinakamalapit na health center, klinika o emergency room.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Be vaccinated and boostered! Happy New Year!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.