Abante Tonite Interactive

Dyowa ni Daniel naaning sa Hong Kong

605

Mabaliw-baliw pala si Kathryn Bernardo nang gawin nila ni Alden Richards ang pelikulang “Hello, Love, Goodbye” sa Hong Kong.

Pinagbawal kasi ni Direk Cathy Garcia-Molina na kausapin si Kathryn ng co-stars niya at pati na ng staff and crew ng movie para ma-immerse si Kath sa DH na karakter niyang si Joy.

Katwiran ni Direk Cathy, walang naranasang hirap sa buhay si Kath at ayaw niyang iarte lang nito ang pain and suffering, dapat ay maramdaman talaga nito.
Nu’ng first week ng shoot nila ay nag-a-update-an sila ng boyfriend niyang si Daniel Padilla dahil ‘yun ang bilin sa kanya ni DJ bago siya umalis, ang mag-update siya palagi habang nasa Hong Kong.

Kaya lang, pati phone niya ay kinumpiska rin ni Direk Cathy, so wala nang mapaglabasan si Kath ng mga hinaing at himutok niya.

Dumating pala sa point na umiiyak si Kath kay DJ sa phone every night at gusto na niyang magpa-book ng tiket pauwi. Ayaw na niyang tapusin ang movie dahil hirap na hirap na siya sa mga pinapagawa ni Direk Cathy.

Pero ayun, naintindihan niya na para sa kanya rin lahat ‘yung ginagawang ‘yon ni Direk Cathy, so niyakap niya ‘yung role at tinanggap niya ‘yung challenge.

Sa tulong din ng push ni DJ ay hindi siya sumuko at natapos nila ang pelikula.

Inamin ni Kath na nu’ng una ay nagulat si Daniel nang malaman nitong si Alden ang makakapareha niya sa movie. Ang laki raw ng naging adjustment nila dahil for 6 or 7 years ay sila lagi ang magkatrabaho at super-hirap magkahiwalay ng ganu’n katagal.

In fairness ay hindi raw nagkulang ng suporta si DJ sa kanya at hanggang ngayon ay all-out ang support nito sa movie nila ni Alden.

Nu’ng panahong maaning-aning na siya sa HK ay naging reward ni Kath ang sorpresang pagdalaw sa kanya ni DJ, na itinago pala muna sa kanya ni Direk Cathy dahil may heavy scenes silang kinunan that day.

Pagka-pack up ay tumakbo talaga si Kath kung nasaan si DJ at super-tinalon niya ito dahil ganu’n daw ka-ge-nuine ‘yung pagka-miss niya rito.

Alam ni Direk Cathy na na-torture talaga si Kath sa ginawa niya rito pero ang sabi niya, kapag napanood na ni Kath ang pelikula, “Tingnan mo kung galit ka pa rin sa akin,” at biglang humilig si Kath sa balikat niya na parang naglalambing.

KathDen sampung oras inabot sa isang eksena

Dream come true para kay Alden Richards ang makagawa ng pelikula sa Star Cinema dahil bago pa raw siya nag-artista ay fan na siya ng mga pelikula ni Direk Cathy Garcia-Molina.

Pinangarap niya raw talagang makaarte sa harap ng kamera ni Direk Cathy at nangyari nga ‘yon sa “Hello, Love, Goodbye” na si Kathryn Bernardo pa ang kapareha niya.

Kuwento ni Alden, 14 years old siya nu’ng una siyang tumapak sa ABS-CBN. Nag-audition din daw kasi siya before sa reality shows ng Dos.

Ngayong nagpunta siya ulit doon na may pelikula siya with Star Cinema ay overwhelmed siya at naninibago dahil hindi niya in-expect ‘yon para sa isang GMA na katulad niya, kaya nagpapasalanat din siya sa GMA na pinayagan siyang gawin ang nasabing project.

Sey niya about her Kapamilya leading lady, they share the same passion towards acting.

Sa HK ay may kinunan daw silang isang eksena na inabot ng sampung oras dahil mahirap itong gawin, na after that ay pagod na lahat, pero si Kathryn wanted more.

Bumilib daw siya rito at na-inspire pa lalo. Mas marami pa raw silang nalaman ni Kath dahil sa ginawang pag-handle sa kanila ni Direk Cathy kaya nagpapasalamat talaga siya sa experience na ito.

Sa closing line ni Direk Cathy sa ending ng presscon ay may dinayalog ito na naging emosyonal at na-touch nang husto ang Kapuso heartthrob.

Ani Direk, “I have worked with so many actors na mababait at magagaling. Alden is one of them.

“Sabi ko, mukhang marunong umarte ‘tong batang ‘to. Nagkamali ako. Hindi siya marunong, magaling siya.”

Sa sobrang tuwa ni Alden sa sinabi ni Direk Cathy ay nilapitan at niyakap niya ito.

Sa July 31 ang showing in cinemas nationwide ng nangangamoy blockbuster na KathDen movie na “Hello, Love, Goodbye”.