Abante Tonite Interactive

Kinurutan ang pera ng mahihirap

By
4,546

Nakakalula ang perang bumabaha mula sa iligal na sugal sa bansa.

Hindi lamang milyones, kundi daang-daang milyong piso ang napupunta sa mga tiwali, katiting lamang ang para sa gobyerno.

Nakapanlulumong malaman na ang sindikatong nasa likod ng iligal na sugal ay malakas ang impluwensiya, kung hindi man ay matatag ang pundasyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO – ahensiya ng gobyerno na naatasang kontrolin ang sugal sa bansa. Subali’t, tila kabalintuanan ang nangyayari, batay sa pahayag ni Charlie “Atong” Ang ng humarap ito sa pagdinig ng Senado kamakalawa.

Nakalulungkot, kailangang magpasugal ang gobyerno, makalikom lang ng pondo para matustusan ang mga gastusing- medikal ng mga mahihirap.

Dahil sa bangayan ng mga opisyal ng PCSO, na pera ang pinagmulan – ang magastos na Christmas Party – nabunyag kung sino-sino ang nakikinabang sa pondo na mula sa iligal na sugal.
Nakatatanggap ang PNP, pamahalaang lokal, mga mambabatas at maging ang simbahan.
Ang perang laan para sa mga mahihirap, kinukurutan pa.

Nabuhay na muli ang usapin ng “pork barrel scam.”

Dapat lang papanagutin ang mga taong nagsamantala sa pera ng bayan.

Buwis ng mga tao ang pondong ito, mula sa kanilang pinaghirapan.

Katas ng pawis at dugo ng mga pulis at sundalo, ganon na rin ng mga guro ang perang pinagsasaan ng mga ganid na pulitiko, kasabwat ang mga bogus na NGO.

May bagong pangalan na lumutang at ayon kay Janet Lim Napoles, na nakakulong ngayon sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, malaking halaga rin ang naibigay niya sa personalidad na ngayon ay hindi na siya kilala.

Sa bagong rebelasyon ni Napoles, agad sanang kumilos ang tamang ahensiya ng gobyerno. Ikasa agad ang malalimang imbestigasyon baka may mahabol pang pera, magamit o maidagdag sa pondo ng mahahalagang proyekto ng gobyerno.

Dapat malantad sa taong bayan ang mga taong nakinabang at nagpasasa sa pondo ng bayan.

Pondo pa rin ang napaguusapan, sa kabila ng mga pahayag na reporma sa Bureau of Customs, ano itong balita na magulo pa rin ngayon sa loob ng Aduana.
Mabagal pa rin daw ang ‘proseso.’ Ayon sa mga parehas at lehitimong “broker at importer” ang mga ‘ big player’ pa rin ang nagtatamasa.