Abante Tonite Interactive

Kinuyog imbes na damayan

0 585

Kapag may taong dinapuan ng coronavirus disease, ang karaniwang reaksyon ng mga tao ay kaawaan at damayan ang taong dinapuan ng virus. Aapaw ang mga mensahe para palakasin ang loob ng taong tinamaan ng nakamamatay na virus.

Pero hindi ito ang nangyari sa kaso ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III matapos siyang kastiguhin ng pamunuan ng Makati Medical Center sa breach ng infection and containment protocol sa Delivery Room Complex ng ospital. Nilabag daw ng senador ang home quarantine protocol.

Tinawag pa nilang iresponsable ang senador dahil sa kanyang ginawa ay kinailangang sumailalim sa quarantine ang mga doktor at nurse na nakasalamuha nito kaya nabawasan pa ang puwersa ng ospital. Kinuyog din siya sa social media at naglabasan ang mga meme, lalo na ang campaign slogan nitong “Use your Kokote” noong 2016 elections.

Depensa ng senador, hindi niya alam na positive na siya sa coronavirus dahil noon lamang Marso 20, 2020 siya kinunan ng swab para itest sa Research Institute for Tropical Medicine. Nitong Martes, alas-9 ng gabi lamang tumawag ang RITM at sinabing positibo siya. Agad daw siyang lumabas ng ospital at iniwan ang kanyang asawa na naka-iskedyul sanang manganak sa pamamagitan ng cesarian section.

Sa kabila ng paliwanag ng senador, hindi ito tinanggap ng maraming Pilipino. Alam na niyang may sintomas siya ng coronavirus, lumabas pa rin at sinamahan ang kanyang asawa patungong ospital. Hindi niya ginamit ang kanyang kukote sa pagkakataong iyon.

Bilang asawa at ama, kinailangan ni Pimentel na ihatid ang kanyang manganganak na misis sa ospital. Nauunawaan natin ang kanyang nararamdaman. Pero hinatid niya rin sa ospital ang virus na kanyang dinadala.

Sa pinakahuling balita, kinumpirma rin ng S&R BGC na namili ang senador noong Marso 16,2020 kaya ipina-quarantine na nila ang mga empleyadong nakasalamuha ng senador base sa kanilang CCTV footages.

Samantala, ang ikatlong senador na nagpositibo sa coronavirus ay si Sonny Angara. Hindi katulad ni Pimentel, bumuhos ang simpatiya sa pinagdadaanan ngayon ni Angara. Parehong silang tinamaan ng COVID pero magkaiba ang naging reaksyon ng publiko. (END)