Abante Tonite Interactive

Kiram: PH National Games larga sa Mayo

259

Agad na masasabak sa aksiyon ang mga national athlete limang buwan tapos ipakita ang husay sa pagkopo ng bansa ng pangkalahatang kampeonato sa 30th Southeast Asian Games, sa 2020 Philippine National Games (PNG) sa Mayo sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at PhilSports Complex sa Pasig.

Nabatid Miyerkoles kay Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Fatima Celia Kiram, na itinakda ng ahensiya ang tinaguriang “national open” para sa lahat ng mga national sports association (NSAs) sa ‘di pa napetsan sa Mayo na paligsahan upang mapanatili ang magandang kundisyon ng mga manlalaro.

Ang PNG ay inoorganisa ng PSC para sa mga nais makabilang sa national training­ pool, at kinakailangang salihan din ng bawat isang atletang nasa pool upang mapanatili niya ang kanyang puwesto.

“It has been our policy that all national athletes much proved they are worthy to be in their slot in the national team,” ani Kiram. “Otherwise, they can be dropped from the roster and face the possibility of being replaced.”

‘Di naisagawa sa nakaraang taon ang PNG dahil sa tinaguyod ng mga Pinoy ang SEA Games kaya naman inaasahan na ipagpapatuloy ito ng ahensiya upang maihanda ang lahat ng mga atleta para sa nalalapit na kampanya ng bansa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan at 31st SEAG sa Vietnam.

Mahigit sa 1,200 atleta na sinusuportahan ng PSC sa kabuuang 56 NSAs ang mga itatampok sa PNG. (Lito Oredo)