Abante Tonite Interactive

‘Kita Kita’ Indonesian remake pasiklab sa ‘Pinas

265

Ang pumatok sa takilya na Pinoy independent film na “Kita Kita” ay magkakaroon na ng nakakaantig na Indonesian remake ngayong Nobyembre 13. Magpapasiklab at palabas na sa sinehan.

Isang babaeng nagkaroon ng temporary blindness dahil sa stress ay makakakita sa pamamagitan ng pag-ibig nang ang isang lalaki ay kusang umalalay sa kanya. Ang “Cinta Itu Buta” (Love is Blind) ay romance-comedy film na magpapaalala sa atin na ang pagmamahal ay dapat maramdaman at ‘di kailangang makita gamit ang mga mata.

Si Shandy Aulia, isang aktres at costume designer ang nagkamit ng kasikatan sa kanyang lead role sa romance “Eiffel I’m In Love”, na matapos ang labinlimang taon ay nasundan ng isang sequel. Kalaunan, siya ay bumida rin sa mga horror movies gaya ng “Tarot”, “The Doll”, at “Kutuk” (Curse). Ngayon, ginagampanan niya si Diah, isang tour guide sa South Korea na nawasak nang ang fiancé niya ng tatlong taon ay iwanan siya.

Dating music teacher, si Dodit Mulyanto ay nag-umpisa sa kanyang acting career noong sumali siya sa Stand-Up Comedy Indonesia (SUCI). Matapos ang contest, nakilala siya sa mga comedy films gaya ng “Cek Toko Sebelah” (Check The Shop Next Door), “Susah Sinyal” (Difficult Signal) at sa action-comedy, “Partikelir” (Private). Sa kanyang mga naging pelikula, si Dodit ay palaging gumaganap ng supporting roles hanggang sa maging bida siya ngayon sa “Cinta Itu Buta” (Love is Blind). Sa pelikula, ginagampanan niya si Nik, isang masigasig na kapitbahay ni Diah, na tinulungan niyang maipanauli ang pagiging positibo sa buhay. Siya rin ang umawit ng theme song ng pelikula, “Darling”.

Ang Citra Award nominee para sa Best Director sa Indonesian Film Festival sa “Lost in Love” noong 2008 na si Rachmania Arunita ay nagbabalik sa kanyang bagong pelikula “Cinta Itu Buta” (Love is Blind), hango sa orihinal na kuwento ni Sigrid Andrea Bernardo at isinulat para sa pelikula ni Fanya Runkat.

Ang “Cinta Itu Buta” (Love is Blind) ay mapapanood na sa mga sinehan sa darating na November 13. (Roldan Castro)