Abante Tonite Interactive

Klay umangas kontra Knicks

250

Nagising si Klay Thompson at tinuldukan ng Golden State ang three-game home losing streak nang ambusin ang New York Knicks 122-95.

Umiskor si Thompson ng 43 sa likod ng pitong 3-pointers, nilista ni Stephen Curry ang una niyang double-double ng season na 14 points at season-best 14 assists Martes nang gabi.

Nagdagdag si Kevin Durant ng 24 points, 6 rebounds at 6 assists, nagbaba si Draymond Green ng 11 rebounds at nilista ang 10 sa 36 assists ng Warriors.

Bago natapos ang first half ay kumalas ang Warriors para putulin ang losing streak sa Oracle Arena – pinakamahabang home skid sa limang seasons ni coach Steve Kerr.

“I think all great teams have a really good record at home, just kind of the way it is, so we need to re-establish ourselves this week at Oracle,” wika ni Kerr.

Kinubra ni Thompson ang 12th career 40-point game. Nakuha ni Durant ang dalawang blocks para isampa ang career total sa 900. Sa pang-14 na sunod na laro ay umiiskor na si Durant ng 20 o higit pa.

Isang laro ang kailangan ni Shaun Livingston para iangat ang career games sa 800, pero hindi naglaro ang Golden State reserve guard dahil sa nana­nakit na kaliwang tuhod.

Pasok ang lima sa unang pitong pukol ni Thompson at may 12 na pagkatapos ng first, tumapos ng 18 of 29 mula sa floor at 7 for 16 sa long range. Pasabog siya ng 52 sa Chicago noong Oct. 29.

Nanguna ang 19 points ni Mario Hezonja sa Knicks, may 12 points at 16 rebounds si Enes Kanter.

Tinapos ng Warriors ang first half sa 13-0 run para baliktarin ang 49-48 deficit tungo sa 61-49 lead sa break.
Inumpisahan ni Curry ang laro na 3 for 10 sa field at tumapos lang ng 5 of 19, 3 for 12 sa labas ng arc. Naipasok ni Durant ang tatlo sa unang siyam na bato at sablay sa first five 3-point tries.

Nakatipon na si Curry ng 2,280 3s sa career, kulang pa ng dalawa para pantayan si Jason Terry sa third place all-time.