Abante Tonite Interactive

Kobe Bryant Lodi ng lahat

0 283

Ni Lito Oredo

Marami ang gulantang at lumuha sa buong mundo sa biglaang trahed­yang kamatayan ng kilalang ‘Black Mamba’ na si National Basketball Association legend Kobe Bean Bryant, kasama ang 13-anyos na anak na si Gianna Marie at pitong iba pa sa isang helicopter crash sa mahamog na umaga nitong Enero 26.

Ilang araw ang hinintay bago tuluyang natagpuan ang gula-gulanit na katawan ng 41-anyos na isinilang sa Philadelphia, Pennsylvania at ang kanyang nahihilig sa paborito niyang sport na dalagitang si Gigi o ‘Mambacita’ sa crash site ng chopper sa Calabasas City, Los Angeles, California.

Nakilala lang ang labi ni Bryant sa mga palatandaan na 6-foot-6 ang taas, may 212 lbs. na timbang at matipunong pangangatawan.

Halos katabi lamang ng dating high school varsity player ng Lower Merion sa Ardmore, Pennsylvania at naging 13th overall sa first round ng 1996 NBA draft ng Charlotte Hornets ang labi niya sa kanyang magandang anak.

Ang pagkamatay ng shooting guard na tanging naglaro sa Los Angeles Lakers noong 1996 hanggang 2016 sa paggamit ng mga numero na 8 at 24 ang ikinaluksa ng mundo ng basketball at tan­ging mga alaala na lang ng Lakers Great ang naisagawa simula sa may 20,000 kapasidad na Staples Center.

Itinala ni Kobe ang pagiging isang shooting­ guard na pinakabatang manlalaro na agad nakapasok sa NBA direkta sa high school, at naglaro sa buong 20-taon ng professional career niya sa Los Angeles Lakers. Isang 16-anyos­ pa lang na nakatuntong sa major league hoops si Bryant­ na nagwagi ng limang NBA championship, naglaro na 18 ulit All-Star, 15-time member ng All-NBA Team, 12-time member ng All-Defensive Team, naging 2008 NBA Most Valuable Player, at pinakatampok ang pagiging two-time NBA Finals MVP.

Kinikilala bilang isa sa mga greatest players of all time, pinamunuan ni Bryant ang NBA sa scoring ng dalawang taon, ikaapat sa league all-time regular season scoring at una sa all-time postseason scoring list.
Si Bryant ay anak ng dati ring NBA player na si Joe Bryant. Naging pangunahin itong high-school basketball player sa Amerika sa paglalaro sa Lower Merion High School sa Pennsylvania.

Agad niyang idineklara ang sarili sa pagtatapos ng high school kaya nag-1996 NBA draft at pinili ng Charlotte Hornets kahit nalipat agad sa Lakers.
Bilang rookie, ipinakita ni Bryant ang pagi­ging high-flyer at naging paborito agad ng lahat sa pagwawagi sa 1997 Slam Dunk Contest, at agad na nakasama sa All-Star sa ikalawa pa lang na taon.

Binitbit ni Bryant ang Lakers sa tatlong sunod na NBA championships nitong 2000-2002. Pagkabigo ng Lakers sa 2004 NBA Finals, tuluyang naging haligi ng koponan si Bryant sa pangunguna niya sa scoring noong 2005–06 at 2006–07 season.

Nagtala siya noong 2006 ng career-high 81 points; ang ikalawang most points scored sa single game sa kasaysayan ng liga sa likod ng 100 pts. ni Wilton Chamberlain noong 1962.

Salamat at paalam sa isang mahusay at talagang tunay na LODI ATLETIKO ng buong mundo.