Abante Tonite Interactive

Koko nakinabang sa pagsipa kay Alvarez

By
1,906

Noong tanggalin si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III bilang Senate President, agad na umikot ang tsismis na tatanggalin naman siya bilang presidente ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban.

Matunog ang pangalan noon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na siyang papalit umano kay Pimentel bilang pangulo ng partido.

Naging awkward kasi ang sitwasyon nu’n dahil ordinar­yong miyembro lang ng Senado si Pimentel, pero siya ang pre­sidente ng PDP-Laban, habang si Alvarez na siyang House Speaker ay secretary-general naman ng partido. Kung hindi tayo nagkakamali, nagkaroon pa ng emergency meeting ang administration party matapos na palitan ni Senador Vicente ‘Tito’ Sotto III si Pimentel bilang Senate President.

Abante Hiring – IT dep

Subalit makalipas ang dalawang buwan, si Alvarez naman ang tinanggal bilang House Speaker. Si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang humudas sa kanya at ngayon ay nakaupo na bilang ikaapat na pinakamataas na opis­yal ng gobyerno.

Wala man kinalaman si Pimentel sa pagsipa kay Alvarez, nakinabang din ito sa isinagawang kudeta sa Kamara. Pantay na kasi silang dalawa ngayon – parehong walang mataas na posisyon sa Senado at Kamara. Hindi na maaaring umangal ang mga ka­tropa ni Alvarez dahil wala na itong pakpak sa Kamara.

Ang nakakatawa lang sa dalawang sinipa sa puwesto, pareho pa man din silang miyembro ng ruling party. Si Pimentel, natanggal dahil sa term-sharing agreement kay Sotto. Si Alvarez, nasipa dahil sa power struggle sa mismong mga kapartido – mula sa paksyon ni Arroyo na dating miyembro ng Lakas-CMD.

Ayaw pa sana ni Pimentel na bumaba sa puwesto noong Mayo dahil malaki ang magiging implikasyon nito sa partido, pero binalaan na siya ng Macho Bloc, ang grupong nagpanalo sa kanya sa Senate Presidency laban kay dating senador at ngayon ay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Ngayon, nawala na ang banta ng kampo ni Alvarez, pero napalitan naman ito ng isang rogue member ng PDP-Laban. Noong nakaraang Biyernes, nagpulong ang mga sinasabing miyembro ng PDP-Laban at iniluklok si Rogelio Garcia, national council chair ng partido, bilang bagong pangulo.

Tinawag ni Pimentel na pekeng pangulo ng partido si Garcia, walang pinagkaiba sa isang ‘hao shiao’. Pero para patulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyung ito at nangakong aayusin ang sigalot sa administration party, patunay itong hindi pipitsugin lang si Garcia.

Indikasyon din ito na hindi pa tapos ang problema ni Koko sa PDP-Laban, ang partidong binuo ng kanyang amang si dating Senate President Nene Pimentel noong 1982.