Abante Tonite Interactive

Koko puputulin ang red tape sa negosyo

3,796

Titiyakin ni Senate trade and commerce and entrepreneurship Chairperson Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na hindi matutulad sa ibang batas na nawalan ng saysay ang bagong lagdang Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Sinabi ni Pimentel na prayoridad ng kanyang komite ang tutukan ang implementasyon ng bagong batas upang matiyak na mas mara­ming mahihikayat na magnegosyo sa Pilipinas.

Nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang RA 11032 na naglalayong masawata ang red tape sa proseso ng pagkuha ng mga kinakaila­ngang permiso sa pagnenegosyo.

Nangako si Pimentel bilang co-chair ng Congressional Oversight Committee na magmo-monitor ng implementasyon ng RA 11032 na makikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI), gayundin sa Civil Service Commission (CSC) at iba pang ahensiya para sa mga kinauukulang hakbangin.

Babantayan din ng mambabatas ang pagsasapinal ng implementing rules and regulations (IRR) ng batas at ang pagrebisa at posibleng pagbasura sa outdated, redundant at hindi kinakailangang mga lisensya, clearances, permits, certifications o authorizations para sa mga negosyo.