Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Koko yari sa DOJ

0 134

Sisimulan uli ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation sa reklamong inihain laban kay Senador Aquilino `Koko’ Pimentel III dahil sa paglabag umano nito sa health at safety protocol noong ipinatupad ang enhanced community quarantine laban sa COVID-19.

Ito’y matapos na isumite ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng kanilang pagsisiyasat sa reklamo laban sa senador.

Nabatid na inatasan din ni Assistant State Prosecutor Wendell Bendoval ang kampo ni Pimentel at nagreklamong si dating University of Makati law dean Rico Quicho na magsumite sa pamamagitan ng electronic filing ng kanilang komento sa NBI report bago sumapit ang Setyembre 21.

“Failure on the part of the parties to submit comment in compliance with this Order shall be considered as waiver and the case is submitted for resolution thereafter,” ayon sa prosecutor.

Una nang isinara at isinumite para sa resolusyon ang kaso laban kay Pimentel noong Hulyo hanggang sa matanggap ang report mula sa NBI nitong Setyembre 4.

Nakapaloob sa NBI report na may petsang Agosto 24 ang kopya ng incident report ni Dr. Saturnino Javier ng Makati Medical Center kung saan nangyari ang sinasabing paglabag ni Pimentel sa ECQ protocol.

Hinatid ni Pimentel ang kanyang misis na manganganak sa MMC sa kabila ng ulat na nagpositibo siya sa COVID-19 noong Marso 25. Nagreklamo hinggil dito ang MMC dahil na-expose umano ang ilan nilang staff kay Pimentel.

Sa muling pagbubukas ng kaso laban kay Pimentel, sinabi ni Bendoval na kailangang gawin ito base na rin sa polisya ng DOJ na tanggapin lahat ng ebidensya na makatutulong para sa resolusyon ng mga reklamo.

Iginiit naman ni Pimentel sa kanyang counter-affidavit na walang “personal knowledge” si Quicho at base lang umano sa mga news report ang reklamo laban sa kanya.

Nahaharap si Pimentel sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern gayundin sa tatlong polisiya ng Department of Health (DOH) hinggil sa quarantine measures kontra COVID-19. (Juliet de Loza-Cudia/PNA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.