Abante Tonite Interactive

Kolehiyala inaresto sa bomb threat

By
860

Dinampot ng mga pulis ang isang babaeng estudyante ng National Teachers College (NTC) sa Quiapo, Maynila makaraang matukoy na ito diumano ang nagpadala ng bomb threat sa kanilang eskuwelahan sa pamamagitan ng text message kamakailan.

Sadyang hindi na lamang pinangalanan ng Abante Tonite ang 18-anyos na education student at nabatid na chairperson din ng Sangguniang Kabataan sa isang barangay sa Maynila.

Ayon kay Supt. Carlo Manuel, hepe ng Manila Police District-Public Information Office, natunton ang estudyante sa tulong ng National Telecommunications Commission matapos ang may isang linggong tracking ng mga awtoridad.
Nabatid na tinawagan nila ang numero ng naturang estudyante at na-track ang messenger nito kaya natukoy hanggang sa inaresto dakong alas-10:00 nang umaga sa kanilang bahay.

Batay sa nakalap na impormasyon, nasa loob ng kanilang eskuwelahan ang nasabing estudyante nang mag-send umano ito ng text message kay Michael John Jacobo, marketing staff ng NTC, dahilan para masuspende ang mga klase sa kanilang kolehiyo noong Setyembre 24.

Inamin umano nito na naingayan lang siya sa loob ng kanilang eskuwelahan lalo pa at maraming ginagawa kaya napagtripan niyang mag-text ng bomb threat para matahimik.

Nabatid pa na nasa kustodya ng Barbosa Police Community Precinct sa Quiapo ang inarestong estudyante.

Samantala, inihayag din ni Manuel na may dalawa pang katao ang isinasailalim ngayon sa follow-up operation ng mga awtoridad dahil sa pagpapakalat ng bomb threat matapos na matukoy na rin ang pagkaka­kilanlan ng mga ito.

Matatandaan na mula noong Setyembre 18 hanggang 24 ay nakatanggap ng bomb threat ang ilang unibersidad sa Maynila.

Kabilang dito ang NTC sa Quiapo, Mapua University at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa Intramuros, University of Santo Tomas at Far Eastern University sa Sampaloc.

Pawang negatibo sa bomba ang mga nabanggit na paaralan sa ginawang pagsisiyasat ng mga rumespondeng tauhan ng Explosive and Ordnance Division.