Abante Tonite Interactive

Kolehiyala nahulog sa rooftop ng Letran

By
3,608

Palaisipan pa rin sa mga awtoridad kung sinadya o isang aksidente ang pagkahulog ng isang 20-anyos na babaeng estudyante mula sa rooftop ng isang gusali sa San Juan de Letran College sa Intramuros, Maynila kahapon.

Inoobserbahan nga­yon sa Seaman’s Hospital ang biktimang si Beatriz Dianne Galit, 20, residente ng 2425 Rubi St., San Andres Bukid, Maynila bunsod ng tinamong sugat sa ulo at katawan.

Batay sa inisyal na report ng Manila Police District (MPD)-Public Information Office (PIO) na pinamumunuan ni P/Supt. Carlo Magno Manuel, dakong alas-12:30 ng tanghali nang makatanggap sila ng report mula sa MPD-Ermita Police Station 5 hinggil sa pagkahulog ng isang babaeng estud­yante mula sa rooftop ng isang limang palapag na gusali ng naturang paaralan, na matatagpuan sa Beaterio Street sa Intramuros.

Nabatid na bumagsak pa umano sa isang nakaparadang kotse ang biktima kaya tumunog ang alarma ng sasakyan.

Inaalam naman ng mga guwardiya ng kolehiyo ang pangyayari at dito nila nakita ang biktima na namimilipit sa sakit kaya tumawag ng tulong.

Isinugod agad ang nasabing kolehiyala sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya kung bakit at paano nahulog sa gusali ang estudyante.