Abante Tonite Interactive

Kolorum courier suki ng sindikato sa droga

119

Bukod sa reklamong tumatakbo nang walang permiso at walang lisensiya, pinaniniwalaang nagagamit sa pagkakalat ng iligal na droga at pagpupuslit ng mga kontrabando ang ilang mga ko­lorum courier service.

Ito ang inihayag ngayon ng Citizens Crime Watch (CCW) matapos na tumanggap ng maraming reklamo mula sa publiko at ang panawagang magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga kompanyang ito.

Ayon sa CCW, isang 21 taong anti-crime watchdog, ilan sa mga reklamo ay ang kabiguang maihatid ang mga delivery at pagnanakaw.

Sa isang pahayag balitaan, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, chief legal counsel ng CCW, na inirekomenda niya kay CCW president Diego Magpantay na aksiyonan ang mga reklamo laban sa mga kompanyang courier service.

“Kung agad na kikilos ang CCW, hihilingin namin kay Department of Information, Communication and Technology (DICT) secretary Gregorio Honasan na aksiyon agad ang dumara­ming reklamo ng publiko.”
Dagdag ni Topacio, nabatid niya na nagbigay babala na ang DICT sa mga walang rehistrong kompanya, pero walang ginagawa upang ang mga ito ay maisara.

Nagtataka si Topacio kung bakit natatagalan kung bakit walang aksiyon ang DICT.

Marahil, hinala ni Topacio na may ilang tauhan si Sec. Honasan na nakikinabang sa operasyon ng mga kolorum courier service.

“We are at a loss as to why it is taking DICT so long to act on it. Maybe there are subordinates of Sec. Honasan who are financially interested in undermi­ning his efforts at effectively regulating the courier industry,” sabi ni Topacio.

Nais ng CCW na hilingin sa liderato ng Kamara de Representante na imbestigahan ito, kaugnay ng pagsisiwalat ni BUHAY Party-list Representative Lito Atienza tungkol sa iligal na operasyon ng mga courier service.