Abante Tonite Interactive

Kolorum na service van ng Chinese POGO hinuli

360

Hinuli at dinala sa impounding area ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang tatlong kolorum na van kabilang dito ang ginagamit na sasakyan ng mga Chinese na empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) matapos sitahin sa Makati City noong Biyernes.

Ikinasa ang operasyon ng I-ACT sa may Brgy. Bangkal kung saan unang pinara ang isang van na nakarehistro bilang isang pribadong behikulo na puno ng mga sakay.

Sa pagtatanong ng enforcement team, ilan sa mga pasahero ang umamin na galing sila sa Balayan, Batangas at nagbayad ng pasahe na P180 bawat isa hanggang sa Pasay City.

Sunod na pinara naman ng enforcement team ang dalawang van na parehong may sakay na mga Chinese national.

Ikinatuwiran ng mga driver na ginagamit ang kanilang mga van bilang company shuttle ng mga POGO pero nang hanapan sila ng contract of lease ay parehong walang maipakita.

May katumbas na P200,000 multa ang naturang paglabag at pagkaka-impound sa loob ng tatlong buwan na mag-uumpisa ito sa oras na mabayaran ang multa. (Armida Rico)