Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Komedyana kinainisan sa kayabangan

0 569

Kailangan nang magpahinga muna sa kinaaadikan niyang bisyo ang isang female personality.

Pagpapatawa ang kanyang linya pero baligtad na ang nangyayari. Kinabubuwisitan na siya ng publiko.

Adik sa social media ang komedyana. Sabi nga ng kanyang mga kasamahan, hindi pa man siya nakapagmumumog sa kanyang paggising, gadget na kaagad ang hawak niya.

Komedyanang naturingan pero pinaiiral niya ang kayabangan, pikon siya, kaya napakaraming naiinis sa kanya ngayon.

Kuwento ng aming source, “Hindi naman ganyan dati ang komedyanang ‘yun. Loveable naman siya. Pero maraming nakapansin na mula nu’ng sinuwerte na siyang makasama sa pelikula at ilang shows, e, nagbago na siya.

“Para siyang nalunod sa isang basong tubig. Umangas na siya. Marami na siyang kiyaw-kiyaw, marami na siyang hanash,” unang komento ng aming source tungkol sa komedyana.

Negang-nega ang kanyang imahe ngayon, hindi na siya nakakatawa, maraming netizens na ang tunay na nabubuwisit sa kayabangan niya.

“Wala yata kasing nagpapayo sa babaeng ‘yun, e! Taklesa! Pikon! Napakahilig niyang mag-post ng kung anu-ano, pero kapag may kumokontra naman sa kanya, galit na galit siya!

“May problema ang babaeng ‘yun na nakaaway ang isang kasamahan niya sa show. Tahimik na ang kalaban niya, pero ngawngaw pa rin siya nang ngawngaw sa social media. Post pa rin siya nang post kung paano siya binastos kuno nu’ng male singer.

“Parang siya lang ang may karapatang idepensa ang sarili niya at ang kalaban niya, e, kailangan na lang manahimik! Pikon!

“Pati mga netizens, e, pinapatulan din niya. Kapag may kumontra sa kanya, e, siguradong makakatikim sa kanya! Kaya tigilan na niya ang kaadikan niya sa social media kung hindi naman siya responsable!

“Alangan namang ma-please niya ang lahat ng tao! Masakit siyang magsalita, taklesa! Kaliit-liit na babae, akala mo kung sinong sikat na kung makapanglait ng ibang tao!

“Hindi pa siya sikat nang lagay na ‘yan, ha? Paano pa kapag sumikat siya, e, di mas nakakaawa ang mga taong inaaway niya? Cut na ang kayabangan, cut na ang pagpapanggap na sikat!” inis na pagtatapos ng aming impormante.

-o0o-

Willie, Angel dumaan sa trahedya

Matinding lungkot ang naramdaman namin sa naging resulta ng pagmamagandang-loob ni Angel Locsin. Naalala namin si Willie Revillame nu’ng magkaroon ng stampede na maraming buhay ang nabuwis.

Magkaiba lang ang lugar, pero ang kanilang layunin ay napakabusilak, ang makatulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Dakila ang kanilang misyon pero nabahiran ng lungkot, dahil may nawala.

Positibo ang hangad ni Angel Locsin. Sa halip na ipagdiwang ang kanyang kaarawan ay mas magiging masaya siya kung mas maraming bibig ang kanyang mababahaginan ng biyaya.

Pandemya ngayon, napakaraming nawalan ng trabaho na ang kakambal ay pagkagutom ng kanilang mga pamilya, anumang makagagaan sa kanila ay siguradong ituturing na nilang biyaya mula sa langit.

Humingi na ng paumanhin si Angel sa pamilya ng namatay na senior citizen na tindero ng balut, nangako na siya ng tulong sa pamilya, inako naman ni Mayor Joy Belmonte ang gagastusin sa lamay at libing ng pumanaw.

Matindi ang lungkot ni Angel sa naganap, wala siyang ibang iniisip kundi ang kahit paano’y makapagbigay nang pansamantalang kaluwagan sa ating mga kababayang nagdarahop, pero matinding lungkot ang hatid sa kanya ng pagkawala ni Tatang.

Mapanghusga lang ang magsasabing si Angel Locsin ang may kasalanan ng pagpanaw ng matandang lalaki. Alam ng Diyos ang laman ng kanyang puso. Hindi pa nagkakaroon ng pandemya ay tumutulong na si Angel sa mga lugar na binibiktima ng kalamidad.

Hindi tayo hinuhusgahan ng Diyos sa ating mga kilos at pananalita. Binabasa Niya ang laman ng ating puso

Leave A Reply

Your email address will not be published.