Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Komedyante balik sa pagsusugal

0 62

Sayang naman kung mauuwi lang sa wala ang mga pinagpapaguran ngayon ng isang gay comedian. Pandemya pa naman ngayon, maraming walang trabaho, pero sinuwerte siyang magkaroon ng regular na programa.

Dati nang madalas makitang naglalaro sa online gaming ang komedyanteng ito. Malakas siyang maglaro, pagkatapos ng kanyang trabaho sa comedy bar, diretso na siya agad sa kanyang “opisina.”

Kuwento ng aming source, “’Yun ang kinalilibangan ng mga becking komedyante pagkatapos ng kanilang trabaho, hindi muna sila umuuwi agad, diretso muna sila sa online gaming.

“Sa halip na magpahinga at matulog na, inuumaga sila sa paglalaro. Ang kinita nila sa buong gabi, du’n lang nauubos, wala na halos silang naiuuwi,” unang hirit ng aming source.

Pero nagsarado ang mga comedy bars, nawalan sila ng raket, pahinga muna sila sa paglalaro dahil wala silang pangtaya. Pero may isang gay comedian na sinuwerteng magkaraket, nagkaroon siya ng show, bukod pa sa nakakaraket siya sa ibang programa bilang co-host.

Balik-kuwento ng aming impormante, “Natural, dahil meron na naman siyang trabaho, go na naman siya para maglaro! Halos gabi-gabi siyang nakikita ng mga utaw na pindot nang pindot!

“Nanghihinayang siyempre ang mga kasamahan niya nu’ng malaman nilang balik-pindutan na naman pala ang kanilang amiga! Mahirap nga naman ang buhay ngayong pandemya, sayang naman ang pinaghihirapan niya kung palaging kakainin lang ng makina!

“Buti nga siya at may work, samantalang ang mga kasamahan niya, e, nganga! Magaling naman kasi siya, in fairness, kaya siya ang nakakakuha ng trabaho!

“Pero sana, payo ng mga nakakakita sa kanya sa pindutan, e, matuto siyang mag-ipon. Wala pa namang kasiguruhan ang trabaho nila, pinakahuli silang papayagang makabalik dahil sa social distancing!

“Sayang, ang dami-daming naghahanap ng trabaho ngayon, suwerte nga siya at tuloy ang mga raket niya! Mag-ingat siya sa kinikita niya, baka mabalewala lang ang pagod niya dahil sa kapipindot niya!

“Pindutin niya na lang ang nose niya at tatangos pa!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Bea, Dominic wala nang itatago

Malapit nang manganak si Beth Tamayo. Nagkita sila sa Las Vegas ni Sharon Cuneta para sa isang masayang dinner at kuwentuhan. Kasama ng magandang aktres ang mister niyang Puti.

Hindi makakalimutan ni Beth ang Megastar. Nu’ng mga panahong wala pang direksiyon ang buhay niya sa Amerika ay malaking suportang pampinansiyal ang kusang-loob na ipinadala sa kanya ni Sharon.

Ganu’n naman si Mega, hindi nito ipinagmamalaki at ikinukuwento ang magagandang bagay na kanyang nagagawa, ang mismong mga taong tinutulungan na lang nito ang nagkukuwento.

Nagkaroon ng baby shower para kay Beth Tamayo sa kanilang bahay sa San Francisco, California. Maraming kaibigan niyang artistang sa Amerika na rin naninirahan ang dumalo.

Special guest niya ang kanyang pamangking si Dominic Roque na dumating na kasama ang napapabalita nitong karelasyong si Bea Alonzo.

Wala nang nagawa ang dalawa. Kung dati’y mga kamay lang nila ang nakikita sa mga larawang ipino-post nila, sa baby shower ay kitang-kita na ang kanilang mga mukha, lantaran na silang nakikita.

Nakakatuwa ang magkarelasyong ito. Para silang mga pako na nakatago ang katawan pero kita naman ang kanilang ulo. Buking na buking naman na silang dalawa ang magkasama sa Amerika pero kung bakit pilit pa nilang itinatago ‘yun.

Nandu’ng makita ang kamay ni Dom na ipinaghihimay ng seafood si Bea, minsan naman ay kamay ni Bea lang ang nakikita sa picture, pero katabi naman ang aktor.

Ngayon ay wala na silang maidedenay, sa mga retrato sa baby shower para kay Beth Tamayo ay palagi silang magkatabi, wala na silang maitatago.

Leave A Reply

Your email address will not be published.