Abante Tonite Interactive

Kompanya ng imported na basura hindi pa lusot

339

Ibibiyahe na nga­yong Enero 9 pabalik ng South Korea ang imported na basura na ipinuslit sa ­Pilipinas.

Pero ayon kay Misamis Oriental Rep. Juliette Uy, hindi pa lusot ang Verde Soko, ang kumpanya na nagpasok ng basura sa bansa.

“Verde Soko will have to answer to the provincial government, the Department of Environment and Natural Resources, and to the Phividec Industrial Estate Authority for all the environmental and business operation violations relative to this garbage importation,” pahayag ni Uy.

Kinakailangan aniyang magbigay ng ulat sa Kongreso ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na nag-iimbestiga sa usapin para malinawan kung ano na ang mga ginawang hakbang nang sa ga­yon ay mabigyan ng katiyakan na hindi na mauulit ang kahalintulad na insidente.

Binanggit ng lady solon na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba ang shipment ng basura na nanggaling naman ng Canada.

“The lessons learned from this Verde Soko case should be applied to the Canada garbage case wherever relevant. There is also the need to have the Department of Foreign Affairs follow-up with Canada on the legal and legislative actions they should have taken by now,” ayon sa congresswoman.

Matatandaan na inihain ni Uy ang House Resolution 2317 na humihirit sa House Committee on Ecology na imbestigahan ang iligal na pag-entra at pagtambak ng basura mula sa South Korea sa Phividec Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Binigyang-diin ni Uy na hindi pa absuwelto ang Verde Soko at ang mga opisyal ng Phividec, gayundin ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC).

Inaasahang aarya ang imbestigasyon sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ngayong Enero.