Abante Tonite Interactive

Kompanya ni Eusebio Tanco sabit sa 700M stock scam

327

Sabit diumano ang brokerage firm ni STI Education Systems chairman Eusebio Tanco sa pagbagsak ng R&L Investments Inc. dahil dito binenta ang mga stock ng listed companies na ninakaw sa nasabing kompanya.

Napag-alaman na si Tanco ang chairman ng Venture Securities Inc. kung saan ibinenta diumano ang imbentaryo ng stocks sa account nina Marlo Moron at Julieta Sulapas.

Lampas P700 milyon ang halaga ng stocks na ninakaw sa R&L Investments kaya’t tumaob ito at ang Venture Securities ang nagbenta nito.

Ayon sa rules ng Capital Markets Integrity Corp. (CMIC) na siyang nagbabantay sa mga stock broker, obligasyon ng broker na kilalanin ang kanilang mga kliyente.

Sa Article VI Section 1 (iv) (a) ng CMIC Rules, kailangang kunin ng stock broker ang impormasyon tungkol sa kanilang financial na katayuan tulad ng pinagkukuhanan ng pera alinsunod sa Anti-Money Laundering Law.

Hindi maaaring gumawa ng tran­saksyon ang broker nang hindi sinusunod ang Article VI Section 1 (iv) ng CMIC Rules.

Ayon sa Annual Financial Report ng Venture Securities ni Tanco, P17.3 milyon ang kinita nito sa komisyon sa pagbebenta at pagbibili ng stocks noong 2018 at mas malaki ang kinita nitong komisyon noong 2017 na nasa P19.4 milyon.

As of end 2018, P6.9 bilyon ang halaga ng stocks na hawak ng Venture Securities ang nasa Philippine Depository and Trust Corp. (PDTC), mas mababa kaysa sa P7.7 bilyong inilagak nito sa PDTC noong 2017.

Tinanong ng Abante Tonite ang Venture Securities tungkol sa isyu ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag.

Na-hack ang records ng R&L Investments sa PDTC kaya’t hindi nakita agad na ninakaw na ang mga stock ng kanilang mga kliyente.

Ngayong taon, 14 na stock broker na ang pinarusahan ng CMIC dahil sa paglabag ng Article VI ng rules nito na tinuturing na major violation.
Sabit din ang management ng Venture Securities dahil tungkulin nilang i-supervise ang kanilang mga tauhan ayon sa Article VI Section 2 ng CMIC Rules.

Sa ilalim nito, tiyak din ang sabit ng mga may-ari ng R&L Investments Inc. dahil tungkulin nilang siguru­hing maayos ang sistema at pro­seso sa kanilang kompanya. (Eileen Mencias)