Abante Tonite Interactive

Kompanyang namatayan ng trabahador, pinatigil ng DOLE

390

Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng work stoppage order laban sa construction company na namatayan ng trabahador matapos mabagsakan ng crane pulley sa ginagawa nilang gusali sa Sampaloc, Maynila.

Inutos ng DOLE na itigil ang operasyon ng Momentum Construction and Development Corporation gayundin ng mga sub-contractor nito batay sa resulta ng imbestigasyon sa insidente.

Kinilala ang nasawing construction worker na si Jhon Erick Marcoso, steel man ng isang sub-contractor ng nasabing kompanya.

Ayon sa investigation team, ang insidente ay nagpakita ng pagkakaroon ng pangnanib sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.

Batay sa imbestigasyon, kabilang sa mga natuklasang paglabag ng kompanya ay hindi ito nakarehistro, kakulangan ng Occupational Safety and Health (OSH) program, kulang ang bilang ng mga safety officer, kulang ng walong oras na mandatory OSH orientation sa kanilang mga manggagawa, kakulangan sa mga occupational health physician at hindi sapat na mga signage para sa kaligtasan ng kanilang mga trabahador.

Binanggit din sa work stoppage order ng DOLE na walang safety measure ang kompanya kapag nagpapatakbo ng makina ang manggagawa.

Natuklasan din na ang mga sub-contractor ng kompanya ay hindi rehistrado sa Philippine Contractors Accreditation Board at hindi rin nagsumite ng mga Safety and Health Organization at Annual Medical Report sa lahat ng manggagawa. (Mina Aquino)