Abante Tonite Interactive

Kompetisyon ‘di monopolyo sa motorcycle taxi

0 184

Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pilot run ng mga motorcycle taxi ng hanggang tatlo pang buwan.

Bukod sa Angkas, dalawang bagong Filipino-owned app-based player JoyRide at Move It ang kasama sa extended dry run na nagsimula na noong Disyembre 23 at magtatapos hanggang Marso 23 nga­yong taon.

Matatandaan na nagtapos na ang i­nisyal na pilot implementation ng Angkas na sinimulan noong Hunyo hanggang Disyembre 2019.

Sa extended pilot implementation naman, may overall cap ang LTFRB na 39,000 registered biker o 10,000 biker kada transport network company (TNC) sa Metro Manila at 3,000 biker naman kada TNC para sa Metro Cebu operation.

Sana naman nakapaghandang mabuti ang tatlong ride-hailing firm para sa extended pilot run ng motorcycle taxi.

Maging maayos sana ang kanilang serbisyo sa tao dahil dito nakasalalay kung sapat ba ito para ikonsidera ng Kongreso ang legalisasyon ng motorcycle taxi sa bansa.

Kung hindi naman, isa lang ang ibig sabihin niyan, hindi na sila makakapag-ope­rate sa mga susunod na buwan o taon.

Bagama’t nauna nang nag-dry run ang Angkas, dapat tapatan ng JoyRide at Move It ang kanilang serbisyo. Kung hindi matapatan, mas mainam na higitan pa nila.

Sa pamamagitan ng ano? Siyempre ang kaligtasan ng mga pasahero, iyan ang una. Dapat rasonable ang kanilang pasahe at siyempre ‘yung ugali rin ng ri­der dapat ikonsidera ‘yan.

Dapat itanim sa utak ng mga service provider na ito na sa resulta ng pilot run na ito nakasalalay kung dapat bang aprubahan ng Kongreso na sila’y opisyal nang makapag-operate sa bansa.

Pero mabuti na rin at na-extend ang pilot implementation nito dahil nabigyan ng pagkakataon ang iba pang motorcycle-hailing firm na sumali sa kompetisyon.

Gusto natin ng kompetisyon para magpagalingan ang mga nagbibigay ng serbisyo. Pero gusto rin natin malaman kung ano ang track record naman ng ibang ia-accredit nila para sumama at mabigyan ng prangkisa para sa serbisyo na ito.

Ang tiyak na pa­nalo siyempre ay ang mga consumer dahil makikita nila kung sino ba ang pinakamura, sino ang pinakaligtas at sino ang maganda ang kalidad ng serbisyo.

Kung sino ang me­ron niyan sa kanila, siyempre iyon ang tatangkilikin ng mga tao.

Imagine kung hindi na-extend ang pilot testing eh sigurado na Angkas ang kokontrol sa motorcycle taxi sa bansa kung saka-sakali.

Bakit nga naman kasi itong Department of Transportation (DOTr) isang service provider lang – Angkas – ang ta­nging isinama sa inisyal na dry run noong Hunyo 2019? Bakit hindi nag-imbita ng iba?

Pero sa kabila nito, para sa akin mabuti na ang magkaroon ng kompetisyon sa industriyang ito, kesa magkaroon ng mono­polyo. Tandaan kapag may kompetisyon, tiyak ang publiko ang panalo.