Abante Tonite Interactive

Konektado sa 2022

0 319

Boyet Jadulco

Hindi raw interesado si Senador Cynthia Villar sa Senate Presidency. Pero mukhang hindi ito kinagat ng mga kaalyado ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Para magkaalaman, pinaikot ni Senador Manny Pacquiao ang resolusyon ng pagsuporta sa liderato ni Sotto.

Pumirma ang 14 senador, ilan sa kanila ay mga outgoing senator, ibig sabihin ay wala rin itong silbi pagpasok ng 18th Congress.

Pero sineryoso ito ni Villar nang tumanggi siyang lumagda sa resolusyon. Pina­galitan pa niya sina Pacquiao at Senador Koko Pimentel sa session hall ng Senado.

Ang masaklap nito, nakuhaan ng video ang pagtatalak ni Villar ng Nacionalista Party habang pinagagalitan ang dalawang magkasama sa PDP-Laban. Naging viral ito sa social media at top news sa telebisyon, radyo at mga pahayagan.

Nagkaroon din ng pulong sa bahay ni Pacquiao sa Dasmariñas Village sa Makati City. Nakita dito ang dami ng mga incumbent at incoming senator na dumalo sa miting. Nakita rito kung gaano kalakas ang puwersa ni Sotto para mapanatili ang puwesto.

Pero dapat bang maging kampante si Sotto? Marami ang nagsasabi na may ambisyon din si Villar sa 2022 presidential elections. Ayon sa mga political analyst, hindi magpapakahirap si Villar na maging number one sa nakaraang senatorial elections kung hindi nito pinaghahandaan ang presidential elections sa 2022.

Bago tumakbo at natalo noong 2010 presidential elections ang asawa ni Cynthia na si da­ting Senador Manny Villar, naging Senate President din ito. Hindi malayong ganito rin ang landas na tahakin ng senadora bago sumapit ang susunod na halalan.

Si Manny kahit nakaladkad sa C-5 controversy, tumuloy sa pagtakbo sa presidential elections pero natalo. Si Cynthia, nasunog naman sa resolusyong pinaikot ni Pacquiao. Pero malayo pa ang Hulyo 22 para ma­tuldukan ang sinasabing ambisyon ni Cynthia na maging Senate President.