Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kongreso iraratsada proklamasyon nina BBM, Sara

0 75

Tiniyak ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco na tuloy ang isasagawang canvassing at proklamasyon ng Kongreso sa nanalong pangulo at bise presidente sa kabila ng inihaing petisyon sa Supreme Court (SC) laban kay presumptive president Ferdinand Marcos Jr.

Base sa unofficial tally ng Commission on Elections (Comelec), si Marcos at ang kanyang vice presidential candidate na si Mayor Sara Duterte-Carpio ang nagwagi mula sa mahigit 30 milyong boto na nakuha ng mga ito sa halalan noong Mayo 9.

Nangako pa si Velasco na magiging mabilis, malinaw at totoo ang isasagawang canvassing at proklamasyon ng Kongreso.

Malinaw aniya ang mandato ng Senado at Kamara sa ilalim ng Konstitusyon na magsagawa ng joint session at umakto bilang National Board of Canvassers (NBOC) na siyang titipon sa mga boto sa presidential at vice presidential elections.

“Nothing therein (Constitution) says that this duty is suspended while a case, which has already been dismissed by the Commission on Elections, is pending with the Supreme Court,” ani Velasco.

Samantala, maging si Senate Minority Leader Franklin Drilon ay nagsabing walang makapipigil sa Kongreso na mag-canvassing at iproklama ang mga nanalo sa presidential at vice presidential elecitons.

Naniniwala rin si Drilon na igagalang ng SC ang Kongreso bilang co-equal branch ng gobyerno at hindi maglalabas ng temporary restraining order laban sa canvassing at proklamasyon.

“The Supreme Court will not create that kind of situation where the Congress will defy them,” dagdag pa ni Drilon.

Sa Mayo 23 magbubukas ang sesyon ng Senado at Kamara kung saan inaasahang aaprubahan ng dalawang kapulungan ang resolusyon para sa joint session upang magsagawa ng canvassing at proklamasyon.

Magtatalaga ng mga kinatawan ang dalawang kapulungan na magsisilbi sa joint committee na magsasagawa ng canvassing. Sina Velasco at Senate President Vicente `Tito’ Sotto III ang magpi-preside sa joint session.

Nagkasundo ang dalawang kapulungan na iproklama ang mga nanalo sa Mayo 27. (Billy Begas/Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.