Abante Tonite Interactive

Kongreso lang makakapigil sa K to 12 — DepEd

532

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan para ipawalang-bisa ang pagpapatupad ng K to 12 Basic Education Program ng gobyerno.

Sa harap na rin ito ng mga kumakalat na isyu sa social media partikular umano sa sinasabing plano ng DepEd na ibasura ang K to 12 program na ayon sa kagawaran ay batay lamang sa “misinformation” at “lack of discernment”.

Sinabi ng DepEd na nag-ugat ito sa balitang pinaplano ng Commission on Higher Education (CHED) na pag-aralan at baguhin ang sistema para sa K to 12 Transition Program nito na inakala naman umano ng iba na ang tinutukoy ay ang buong K to 12 program ng pamahalaan.

Pinaliwanag ng DepEd na magkaiba ang mga naturang programa nila at ng CHED.

Binigyang-diin pa ng kagawaran na binuo ang K to 12 sa ilalim ng Republic Act 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 kung kaya’t hindi basta na lamang maipapatigil ang implementasyon nito.

Nasa kapangyarihan umano ng dalawan­g kapulungan ng Kongreso ang pagpapatupad, pag-amyenda, pagpapalawak pa o pagpapawalang bisa sa batas na siyang nagpatupad ng K to 12 program.

Sinabi pa ng DepEd na mas makakabuti kung aalamin muna ng mga tao sa kanilang official website at social media account bago maniwala sa mga nagpapa­kalat ng maling impormasyon tungkol sa K to 12. (PNA)