Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Konsehal inambus sa Fortuner Dugo dumanak bago ang COC filing

0 114

Ilang araw bago ang opisyal na filing ng kandidatura ng mga sasabak sa 2022 eleksiyon ay isang konsehal sa bayan ng Liloy sa lalawigan ng Zamboanga del Sur ang pinagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sakay ng isang sports utility vehicle (SUV), ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at idineklarang dead on arrival sa pinagsugurang pagamutan ang biktimang si Liloy Municipal Councilor Ernesto Bihag Jr., 46-anyos, residente ng Brgy. Causwagan ng nabatid na bayan.

Sa naantalang ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa kahabaan ng national highway sakop ng Brgy. Causwagan ng bayang ito.

Lulan umano ng puting Toyota Fortuner ang biktima at tinatahak ang nasabing kalsada nang biglang mag-overtake sa kanyang sasakyan ang isang kulay maroon na Toyota Innova lulan ang hindi batid na bilang ng mga suspek at agad niratrat ang sasakyan ng konsehal.

Nakuha pang patakbuhin ng biktima ang kanyang sasakyan upang tumakas subalit sumalpok ito sa isang puno sa gilid ng kalsada.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng kanilang sasakyan habang sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit idineklara na rin itong dead on arrival ng sumuring doktor.

Sa ngayon ay patuloy ang follow-up operation ng pulisya sa motibo at posibleng pagdakip sa mga salarin.

Hindi pa makumpirma kung tatakbo sa mas mataas na posisyon ang biktima na dapat ay kasama na sa hanay ng mga politikong maghahain ng kandidatura simula ngayong araw, Oktubre 1, 2021. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.