Abante Tonite Interactive

Konsehal, misis nirapido habang nag-aalmusal

447

Patay ang isang municipal councilor at misis nito matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin habang nag-aalmusal sa kanilang bahay Linggo nang umaga sa bayan ng Paranas sa lalawigan ng Samar.

Kinilala ang nasawing mga biktima na sina Claudio Gabiana, 55, municipal councilor ng bayan ng Jiabong, at kabiyak nitong si dating barangay Jose Rono chairwoman Asuncion Gabiana, 56-anyos.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaslang pasado alas-sais nang umaga.
Nag-aalmusal ang mga biktima sa kanilang bahay sa Brgy. Jose Rono sa bayan ng Paranas nang pasukin sila ng hindi pa kilalang suspek at pagbabarilin.
Matapos ang insidente ay agad nang tumakas ang mga suspek.

Sinubukan namang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima subalit idineklara na rin itong dead-on-arrival.

Napag-alaman na nakapasok sa pintuan sa likod bahay ang suspek at ng nasa loob na ito ay saka pinagbabaril ang mag-asawang biktima.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pamamaslang habang patuloy pa ring inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek. ­(Edwin Balasa)