Abante Tonite Interactive

Konsehal ng CDO suspendido sa pananampal

By ,
1,099

Pinatawan ng anim na buwang suspensiyon ng Office of the Ombudsman ang isang konsehal ng Cagayan de Oro City dahil sa pananampal nito sa traffic enforcer na nag-isyu sa kanya ng parking ticket noong taong 2016.

Si Councilor Zaldy Ocon ay napatunayang guilty sa administrative offense of conduct prejudicial to the best interest of the service, ayon sa Ombudsman.

Bukod dito, nakitaan din ng probable cause ng Ombudsman para kasuhan si Ocon ng “slander by deed”, bilang paglabag sa Article 359 ng Revised Penal Code.

Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo ni Ric Emmanuel Agustin, isang traffic enforcer ng Roads and Traffic Administration (RTA) ng lungsod.

Lumitaw na noong Nobyembre 30, 2016, inisyuhan si Ocon ng ticket dahil sa pagparada nito ng kanyang sasakyan sa “no-parking zone”. Nagtalo umano ang dalawa matapos itapon ng konsehal ang inisyung tiket sa kanya.

Lalo pa umanong lumala ang sitwasyon kinabukasan nang sampalin pa ng konsehal ang traffic enforcer nang ipatawag ang huli ni RTA chairman Nonito Oclarit sa session hall para ayusin ang gusot.

Nasaksihan ang naturang pananampal ng konsehal ni RTA overseer Jose Uy.

Dahil dito, ayon sa Ombudsman, malinaw na nabigo si Ocon na ipakita ang magandang asal ng isang public official o ang tinatawag na “high standards of ethics and utmost responsibility in the public service”.