Abante Tonite Interactive

Konsehal niratrat sa piyestahan

509

Nasawi ang isang konsehal ng barangay matapos itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin habang nasa gitna ng kasiyahan sa piyesta ng barangay kamakalawa sa Esperanza, Masbate.

Dead on the spot dahil sa mga tinamong bala sa katawan ang biktimang si Domingo Barotil, 47-anyos, kagawad ng Barangay Putingbato ng nasabing bayan.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na agad tumakas matapos ang pamamaril.

Sa ulat na ipina­dala ng Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang insidente dakong alas-10:30 nang gabi sa Sitio Lunas 1, Barangay Putingbato.

Napag-alaman na habang nakikisaya ang biktima sa piyesta sa nasabing barangay ay bigla na lang siyang pinagbabaril ng suspek.

Nagtamo ng mga bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang biktima na agad binawian ng buhay.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaslang at kung sino ang responsable dito.(Edwin Balasa)