Abante Tonite Interactive

Konsehal sa Albuera, Leyte nakaligtas sa ambush

248

Nakaligtas sa kamatayan ang presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa bayan ng Albuera, Leyte na dati nang na-uugnay sa Espinosa drug group matapos itong ratratin ng armalite ng hindi pa kilalang suspek kamakalawa ng gabi sa nasabing bayan.

Nakuhang makahiga sa kanyang sasakyan matapos na ratratin ng armalite ang biktimang nakilalang si Alberto Sumaljag, 60-anyos, konsehal ng bayan ng Albuera dahilan upang makaligtas ito sa pananambang.

Ayon kay Sumaljag, nangyari ang pananambang sa kahabaan ng national highway sakop ng Brgy. Cambalading.

Pauwi na sana ang biktima sakay ng kanyang kotse nang bigla itong unahan ng isang kulay gray na kotse at pagkatapos ay niratrat ito ng armalite ng isa sa mga suspek na nakasuot ng bonnet.

“Mabuti na lang at nakahiga ako sa aking sasakyan kaya suwerteng hindi ako tinamaan,” pahayag ng biktima.
Sinabi pa ni Sumaljag na politika umano ang motibo sa pagtatangka sa kanyang buhay.