Abante Tonite Interactive

Konsehal sa Samar binoga sa ulo

By
182

Patay ang isang konsehal ng bayan ng Mercedes, Eastern Samar matapos barilin sa ulo ng hindi pa kilalang salarin habang nanonood ng palabas sa basketball court kaugnay ng nalalapit na kapistahan kahapon ng madaling-araw sa bayang ito.

Dead-on-arrival sa pinagsugurang ospital matapos magtamo ng isang tama ng bala sa ulo ang biktimang si Mercedes municipal councilor Antonio Arbis, 45-anyos, 2nd termer sa nasabing bayan.

Ayon kay Chief Insp. Manuel Nayag, chief of police ng Mercedes-PNP, naganap ang insidente dakong alas-12:40 ng madaling-araw sa loob ng basketball court sa Barangay Sung-an ng nabatid na bayan kung saan punong-puno ito ng tao dahil mayroong sing and dance competition bilang parte ng piyestang bayan.

Habang abala sa panonood ang lahat ay lumapit ang isang hindi pa kilalang lalaki na nakasuot ng hooded jacket at malapitang binaril sa ulo ang biktima.

Dahil sa pangyayari, agad nagpulasan ang mga tao sa loob ng court na sinamantala naman ng suspek sa kanyang pagtakas at humalo sa nagkakagulong tao.

Sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya sa motibo ng pamamaslang dahil wala naman sa listahan ng narco-politician ang pinatay na konsehal, ayon sa pulisya. ­