Abante Tonite Interactive

Konsumo ng softdrinks, iba pa bumaba

0 199

Inihayag ng isang opisyal ng Department of Finance (DOF) na bumaba ang konsumo ng mga inuming may asukal sa 6.5% dahil na rin sa ipinataw na karagdagang buwis sa mga ganitong produkto.

Simula noong Enero, nagpataw ng P6 excise tax sa kada litro ng mga sugary drink at P12 sa kada litro para sa mga gumagamit ng high fructose corn sy­rup.

Ayon kay Finance Undersecretary Gil Beltran, gamit ang datos ng Euromonitor, buma­ba ang konsumo ng mga sweetened beve­rage ng 6.5%.

Pinakamalaking binaba ang mga powdered concentrate o iyong mga tinitimpla sa fruit drink na 25% ang ibinaba.

Kaugnay nito, ini­hayag ni Beltran na nais pag-aralan ng Malaysia at Singapore ang pagtataas ng buwis sa mga inuming may asukal tulad ng softdrinks, fruit drink mixes at iced tea mix na ginawa ng Pilipinas sa ilalim ng Tax Reform for Acce­leration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ayon kay Beltran, kinilala ng mga mi­yembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagpapataw ng excise tax sa mga sugar-sweetened beverage bilang matagumpay na patakaran para makamit ang layuning ga­wing mas malusog ang mga mamamayan.

Dahil kasi sa pagtaas ng presyo ng mga ganitong inumin sanhi ng ipinataw na karagdagang buwis kaya’t humina aniya ang konsumo ng mga tao sa matatamis na inumin na nagpatagal sa pagkakaroon nila ng diabetes.

(Eileen ­Mencias)