Abante Tonite Interactive

Kontradiksyon sa kampanya vs katiwalian?

252

Pinagtatalunan nga­yon kung tama ba ang naging deklarasyon mismo ni Pangulong Duterte na maaring tumanggap ng regalo ang mga pulis.

Kaya naman napag-usapan ngayon ang batas at panuntunan ang pagbabawal sa lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno na pinagbabawalan na tumanggap ng anumang regalo o pabor.

Matagal namang alam ng lahat na may nangyayaring regalo raw pero sa katotoha­nan ay palusot lang ito at sa halip ay talagang suhol o padulas.

Pero maingat ang mga pulis at iba pang opisyal o empleyado ng gobyerno sa pagtanggap ng regalo dahil alam nila na ito talaga ay bawal.

Ngayong mismong ang Pangulo ang nagsabing puwedeng tumanggap ng regalo ang mga pulis, sen­yales na ito sa iba pang opis­yal at empleyado ng gobyerno.
Kontradiksyon ito sa kampanya mismo ng Pangulo laban sa graft and corruption sa pamahalaan.

Bakit sa bawat namumutawi na salita ng Pangulo ay kailangan pa ang iba’t ibang interpretasyon at laging nagpapaliwanag ang mga tagapagsalita at kaalyado nito?

Laging ipinagmamalaki ng Malacañang na isang abogado ang Pangulo pero bakit ang mga pahayag nito ay hindi malinaw kung direktang nakasalig sa batas o kailangan pang muling linawin ng Palasyo?

Ang kasabihan nga na nagsisimula sa maliit ang malaki kung kayat kapag pinayagan na maaaring tumanggap ng maliit na bagay ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno ay asahan natin na ito ay maaabuso at maaa­ring pagmulan ng mas malaking problema sa usapin ng katiwalian.

Sana naman ay gawin ng mga nakapaligid sa Pangulo na mapayuhan na maging mai­ngat sa pananalita dahil anuman ang sasabihin nito ay maaaring ikonsi­derang panuntunan o polisiya sa gobyerno.